Ang yoga ay isang makalumang paraan ng pag-eehersisyo na nabuo sa India ilang libong taon na ang nakakalipas. Ang ehersisyong ito ay binubuo ng ilang disiplina na magpapatibay sa tamang paghinga, mataimtim na pag-iisip (meditation), at mga galaw na susubok sa kakayanan ng kalamnan na magbanat at bumaluktot. Ito’y kilala at ginagamit ng marami ngayon bilang isang alternatibong paraan ng pag-eehersisyo.
Sa tagal ng panahon na ito’y bahagi na ng buhay tao, napatunayan na ng maraming pag-aaral na ang yoga ay may mabuting dulot sa kalusugan
1. Nakakapagpabuti ng flexibility ng katawan
Image Source: unsplash.com
Dahil sa mga galawang talaga namang babanat sa mga kalamnan, tiyak na bubuti ang flexibility ng katawan dahil sa yoga. Ang taong may mahusay na abilidad ng flexibilty ay may kakayanang makagalaw nang mas maayos, mas matagal mapagod, at may maliit na tsansang manakit ang mga bahagi ng katawan sa matagal na pagtatrabaho.
2. Tumutulong sa pagpapalakas ng kalamnan
Image Source: unsplash.com
May ilang galaw din sa yoga na tumutulong naman sa pagpapalakas ng mga kalamnan at nakakapagpaganda sa hubog ng katawan. Ang lakas o strength ay mahalagang abilidad din upang magampanan ng mas maayos at epektibo ang mabibigat na gawain.
3. Nakakapagpabuti ng postura
Image Source: unsplash.com
Hindi rin maikakaila ang pagbuti ng postura ng katawan buhat ng pagsasanay sa yoga. Dahil sa yoga, nasasanay ang isang indibidwal na mapansin kaagad ang mali sa kanyang postura, nakaupo man o nakatayo. Ang taong may mabuting postura mas nagmumukhang matangkad at madaling naiiwasan ang pananakit ng likod.
4. Nakakabawas ng stress
Image Source: unsplash.com
Isa sa mga disiplina na tinututukan ng yoga ay ang pagpapabuti sa mataimtim na pag-iisip o meditation. Sa pamamagitan tamang paraan ng meditation, mas nagiging kalmado ang isip at nalalayo sa mga stress na nakakapagpabagabag.
5. Pagsasanay sa mas epektibong paghinga
Image Source: unsplash.com
Isa rin sa mga tinututukan ng yoga ay ang pagsasanay sa iba’t ibang paraan ng paghinga. Ang taong kontrolado ang kanyang paghinga ay may kakayanang makapag-relax at makapag-isip nang maayos sa panahong kinakailangan.
6. Nakakabuti sa kalusugan ng puso
Image Source: www.freepik.com
Matagal nang napatunayan ng pag-aaral ng maraming eksperto na ang yoga ay nakakapagpabuti sa kalusugan ng puso. Ang tamang paghinga at kalmadong isip ay nakakatulog sa pagpapababa ng presyon ng dugo at nakakapagpabagal sa tibok ng puso. Ang mga benepisyong ito ay mahalaga para sa mga indibidwal na dumadanas ng altapresyon at stroke.