Butlig-butlig na makati sa kamay: Anong gamot?

Q: Doc good day po! doc tanong ko lang po, anong sanhi po bakit may maliliit na bultig butlig sa kamay ko, makati po siya, once na kinamot ko naglalabasan po mga butlig butlig na parang may tubig sa loob. ano po ba pwedeng gamot dito? salamat po!

A: Ang butlig-butlig na maliliit at ang pangangati ay ang dalawang sintomas ng isang skin allergy. Maraming posibleng dahilin ng allergy, mula sa pagkain (karaniwan dito ang isda, mga seafood gaya ng tahong, itlog, mani, gatas), mula sa alikabok, pollen, at iba pang nalalanghap ng katawan sa kapaligiran. Pwede rin namang magkaron ng allergy sa iba’t ibang uri ng tela o materyal gaya ng rubber o latex na posibleng sanhi kung nagsusuot ka ng gloves, o kaya sa alahas (hal. allergy sa silver). Ang tawag sa ganitong uri ng allergy ay contact dermatitis.

Dapat iwasan ang sanhi o ‘trigger’ ng allergy. Sa umpisa, maaaring mahirap tukuyin ang sanhi ng allergy, kaya dapat obserbahang mabuti ang sarili. Tanungin ang sarili kung anong mga kinain mo bago sinumpong ng allergy. Nagsuot ka ba ng gloves o bagong alahas? Nagbago ka ba ng ginagamit na sabon o lotion? Ang mga ito ay mahalagang tanong sa pag-iimbistiga ng sanhi ng allergy.

Mayroon din namang mga over the counter na gamot na pwedeng ipahid o inumin para maibsan ang allergy. Kabilang na dito ang mga anti-allergy cream na maaaring binubuo ng isang antihistamine o ng isang steroid gaya ng Hydrocortisone, at mga tableta na antihistamine gaya ng Betahistine o Diphenhydramine. Bagamat ang mga ito ay madaling makuha sa mga botika, mas maganda paring magabayan ng doktor. Halimbawa marami sa mga antihistamine na tableta ay may side effect na nakakaantok. Ang mga steroids naman ay maraming mga side effects lalo na kung ginamit ng matagal.

Kung ang allergy na hindi mawala-wala, pwede ring magpatingin sa isang spesyalista sa allegy – mga allergologist -upang magsagawa ng ‘skin test’. Ang skin test ay isang eksaminasyon kung saan ang bahagi ng balat ang binibigyan ng tag-kokonting mga ‘sample’ mula sa iba’t ibang karaniwang sanhi ng allergy upang malaman kung alin sa mga ito ay nagdudulot ng allergic reaction.