Butlig-butlig, pantal-pantal at pangangati

Q: May mga butlig aq sa aking paa at kamay at makati talaga ito…tapos parang may tubig sa loob..pag ginagamot ko sya nawawala nmn pero bumabalik rin…ano dapat qng gawin o igamot dito?

A: Ang pagkakaron ng butlig-butlig na may pangangati na pasumpong-sumpong ay maaaring mga sintomas ng isang sakit na may allergic component, o syang karaniwang tinatawag lang na “allergy“. May mga taong sadyang mas madalas magkaron ng allergy, at kung ikaw ay nagpatingin na sa doktor, maaaring ang gamot na ibinigay sa’yo ay isang gamot sa allergy, o anti-histamine. Kung gayon, dapat mo lang itong ituloy sapagkat ang allergy ay hindi talaga nawawala; ito’y nasusupil lamang sa pamamagitan ng mga gamot.

Subalit bukod sa pag-inom ng gamot, may iba pang mga paraan upang mabawasan o tuluyang magamot ang allergy. Kasi kapag sinabing “allergy”, ang ibig-sabihin nito ay ang katawan ay nag-rereact sa isang bagay. Ito’y maaaring pagkain, inumin, o maski mga alikabok o balahibo ng hayop na nalanghap, o maging mga tela, materyales, kemikal, o anumang bagay na ipinahid sa katawan. Ang pagtuklas sa anumang pagkain o bagay na sanhi ng pagsumpong ng iyong allergy, at ang pag-iwas dito, ay isang masusing paraan upang magamot ang iyong allergy.

Minsan, mahirap tuklasin kung ano ang ‘allergen’ o ang bagay na nagdudulot ng allergy sa iyo. Kaya karaniwan, pinapayo ng mga doktor na umiwas sa mga karaniwang allergen ng maraming tao. Tingnan ang “Listahan ng mga allergen o karaniwang sanhi ng allergy” sa Kalusugan.PH.

Kung hindi pa ito matukoy at maiwasan, magpatingin sa iyong doktor upang ikaw ay magabayan sa mga susunod na hakbang.