Q: Nais ko po sana itanong kung wala na po bang gamot na pwde inumin sa kaso ko po na malakas ang pag dudugo dahil sa multiple myoma. Kailan lang ay nasalinan na po ako ng 2 bag ng dugo dahil sa naging anemic na po ako dahil sa uterine bleeding. Kailan lang po nalaman ko na mayroon akong multiple myoma (5).. at mga follicles sa magkabilang ovaries. Ang kailangan ko daw po ay total hysterectomy. Kahit saan ospital po ako magtanong ay napakamahal ng operasyon. Hindi ko po kaya. Ngunit sa bawat araw na limilipas, ako po ay unti unti na naman ng hihina dahil sa lakas ng pagdudugo ko. Makukuha pa po kaya sa gamutan, yun lang po ang kaya ko sa ngayun. Tulungan nyo po ako. Maraming Salamat po.
A: Ang myoma ay mga bukol-bukol sa matris ng babae. Hindi kanser ang myoma, subalit ito’y maaaring magdulot ng grabeng grabeng pagdudugo tuwing dinadatnan ng regla.
- Kung operasyon ang payo ng iyong doktor, huwag sumuko sa paghahanap ng tulong upang ang operasyon ay magawa. Maraming mga pampublikong ospital, gaya ng Philippine General Hospital, kung saan mas abot-kaya ang mga gastusin. Miyembro ka ba ng PhilHealth? Isang malaking bagay ang PhilHealth upang makatulong sa pagbabayad ng operasyon. Subukan ring lumapit sa tanggapan ng inyong mayor o congressman, sapagkat karaniwang, sila ay may budget sa pagtulong sa mga tao.
- Habang hindi pa kaya ang operasyon, may mga gamot din na maaaring inumin upang mabawasan ang pagdudugo. Hindi ko maaaring banggitin ang mga ito sapagkat maraming pwedeng ibigay na gamot; dapat ang doktor mo ang makatukoy kung alin sa mga ito ay naaayon sa iyong kalalagayan sa ngayon. Subalit ang mga gamot na ito ay maaaring makatulong habang hindi ka nakakapagpa-opera.
- Ang pag-inom ng maraming tubig bawat araw ay malaking tulong sa anemia. Posible ring makatulong ang pagkain ng kompleto, kasama ang karne, gulay, at prutas.