Emergency Pack para sa Pamilya

Walang kasiguraduhan kung kailan tatama ang isang delubyo sa isang lugar. Walang makapagsasabi kung kailan yayanigin ang isang lugar ng napakalakas na lindol, tulad na lang ng banta ng West Valley Fault sa Kamaynilaan, o kung kailan muling dadating ang isang bagyo na sinlakas ni Yolanda. Ang sakuna ay maaaring mangyari sa anumang oras o panahon na hindi mo inaasahan.

Ngunit ang trahedyang nagbabadiya sa buhay ay maaari pa rin namang maagapan kung magiging handa lamang ang bawat pamilya sa lahat ng oras at pagkakataon. Sa panahon ng sakuna, ang tanging makaliligtas ay ang mga handa at may alam.

Bukod sa pakikilahok sa mga emergency drill, isa sa mga pinakamainam na paraan para mapaghandaan ang pagdating ng isang lindol o bagyo ay ang pagkakaroon ng emergency pack sa bawat tahanan.

Ano ang emergency pack?

Ang emergency pack ay isang lalagyan o bag na naglalaman ng mga bagay na maaaring kailanganin sa panahon ng aksidente o sakuna. Ito ay dapat nakahanda sa lahat ng oras at nasa prominenteng lugar na madaling makuha kung kakailanganin. Ang pamilya na may kumpletong emergency pack ay may mas malaking tsansa na makaligtas sa panahon ng delubyo.

Ano ang laman ng isang emergency pack?

Ang isang kumpletong emergency pack ay maaaring maglaman ng ilang mga bagay na kakailanganin sa panahon ng kasalatan. Mula sa mga pagkain na madaling kainin, kumpletong first aid kit, hanggang sa mga simpleng bagay na gagabay sa mas ligtas na pamumuhay. Ang mga pangunahing gamit na dapat na laman ng isang emergency kit ay ang sumusunod:

  • Tubig. Walang kasiguraduhan kung mayroon pa ring malinis na suplay ng tubig pagkatapos ng isang lindol o bagyo. Magtabi ng mga bote ng mineral water sa loob ng emergency kit upang magkaroon ng inumin.
  • Pagkain. Mabuti ring magtabi ng mga pagkain sa loob ng emergency kit upang hindi maapektohan ng posibleng pagkaubos ng suplay ng pagkain pagkatapos ng trahedya. Tiyaking ang mga pagkain ay matagal masira at madaling kainin kagaya ng mga delata, biskwit, at pinatuyong pagkain.
  • Radyo na de-baterya. Mahalaga rin na magkaroon ng radyo sa emergency kit upang palagi pa ring makapakinig ng balita pagkatapos ng sakuna. Mabuti na ang may alam sa kaganapan sa paligid.
  • Flashlight at mga baterya. Malaki din ang posibilidad na mawalan ng kuryente sa pagdaan ng trahedya. Ang flashlight at karagdagang baterya ay makatutulong nang husto lalo na sa pagsapit ng dilim.
  • First Aid Kit. Mahalaga ang pagkakaroon ng First Aid Kit sa bawat pamilya. Makatutulong ito na pagaanin ang pakiramdam, o maiwasan ang mas grabeng pinsala na natamo sa lumipas na sakuna. Tiyaking kumpleto at bago ang mga kagamitang panlunas at mga gamot. Basahin ang mga dapat laman ng First Aid Kit.
  • Sipol. Malaki rin ang silbi ng sipol sa panahon ng sakuna. Kung sakaling naipit ng mga gumuhong pader, makatutulong ang sipol sa paghingi ng saklolo.

Bukod pa sa mga naunang nabanggit na kagamitan, maaaring ilagay din sa emergency kit ang mga sumusunod na bagay

  • Kumot
  • Karagdagang supot o plastic bags
  • Lubid
  • Kulambo
  • Duct tape
  • Sabon
  • Karagdagang damit at damit panloob (underwear)
  • Tarp o pansilong

Ano ang mga dapat tandaan sa pagkakaroon ng emergency pack?

Sa pagtatabi ng emergency pack, tiyakin na laging bago ang mga pagkain at gamot na laman nito. Alamin ang mga expiration date ng mga pagkain at gamot, at laging palitan kung malapit nang sumapit ang petsa ng pagka paso. Regular ding inspeksyonin ang emergency kit upang matiyak na kumpleto ang laman. Itabi ang emergency kit sa lugar na madali itong makukuha sa panahon ng sakuna.