Epekto ng pagkakaroon ng Flat Foot o mala-Plantsang Paa

Ang talampakan ng paa ay kadalasang may kurba sa gitna na kung tawagin ay foot arch o arko ng paa. Ito ay nabubuo kasabay ng paglaki ng isang bata. Ngunit sa ibang pagkakataon, ang arkong ito ay hindi na nabubuo pa at minsan pa nga’y nasisira ang tendon sa paa na nagpapanatili ng arkong ito. Kung mangyari ang alinman sa mga sirkumstansyang nabanggit, ang kahihinatnan ay ang pagkakaroon ng flat foot o mala-plantsang talampakan.

Ang pagiging flat-footed ay isang pangkaraniwang kondisyon at tinatawag din na “fallen arch”.

Image Source: www.bustle.com

Paano malalaman kung ikaw ay flat footed?

Ang pagkakaroon ng mala-plantsang talampakan ay madali lang naman matutukoy.

  • Basain ang paa, lalo na ang talampakan
  • Tumapak sa isang patag na sahig o semento kung saan maaaring maaninag ang foot print.
  • Dahan-dahang alisin ang basang paa sa pagkakaapak at tignan ang marka.

Kung ang markang naiwan ng paa anagpapakita ng buong talampakan, nakatitiyak na ikaw ay flat footed.

Ano ang mga karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng flat foot?

Ang pagkakaroon ng flat foot sa mga indibidwal na nasa hustong edad na ay maaaring dahil sa mga sumusunod:

  • Abnormalidad sa porma ng paa
  • Sobrang pagkakabanat o pagkapunit ng tendon sa paa na nagpapanatili ng arko.
  • Pagkasira ng posterior tibial tendon na tumutulong pag-angat ng arko sa paa.
  • Pilay o na-dislocate na buto sa paa
  • Rayuma at arthritis
  • Sobrang timbang o obesity
  • Diabetes

Ano ang mga epekto ng pagiging flat footed?

Dahil sa pagbagsak ng arko sa paa, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:

  • Madaling pagkapagod ng paa sa paglalakad
  • Pananakit sa talampakan lalo na sa pwesto ng arko sa paa
  • Pamamanas sa talampakan
  • Pananakit ng hita at likod