Family Planning: Pagpapatali sa Babae o Tubal Ligation

Source: youngwomenshealth.org

Ang pagpapatali o tubal ligation ay isang uri ng family planning kung saan ang magkabilang Fallopian tube ng isang babae ay “tinatali”o sinasara sa pamamagitan ng isang simpleng operasyon upang mahadlangan ang “Fertilization” o pagsasama ng sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae upang makabuo ng isang “embryo” na siyang magiging isang sanggol. Dahil magkabila ang tinataling fallopian tube, ito’y kilala rin bilang bilateral tubal ligation o BTL.

Ang Pagpapatali ay 99% sa pagiging epektibo sa paghadlang sa pagbubuntis sa unang taon makatapos gawin ito. Kaya hindi 100% ay sapagkat maaaring bumalik sa dati ang Fallopian tube kung “makalas ang pagkakatali” dito. Ngunit ito’y bihirang mangyari, at itinuturing ang pagpapatali na isa sa mga pinaka-epektibong paraan ng family planning.

Yun nga lang, ang pagpapatali ay di gaya ng condom na nakakahadlang sa mga sexually-transmitted diseases (STD) gaya ng HIV/AIDS, tulo, at iba pa. Dapat paring gumamit ng condom kung makikipagtalik sa ibang tao kung di mo tiyak ang kanyang kalalagayan pagdating sa mga STDs.

Isa pa, permanente ang tubal ligation; maaari itong pabalikin sa dati ngunit ito’y isang magastos na operasyon at hindi sigurado kung ito ba’y maibabalik sa dati (maaari na ulit makapanganak). Sa madaling salita, magpatali lamang kung nakakatiyak na ang mag-asawa ay wala nang planong magkaroon pa ng anak.

Para magpatali, magpunta sa iyong OB-GYNE (Obstetrician-Gynecologist) upang matiyak na ang pagpapatali o tubal ligation nga ay nararapat sa iyo. Ito’y simpleng procedure lamang at maaari ring gawin kasabay ng Caesarian section o panganganak. Bagamat may kamahalan ang pagpapatali kung ikukumpara sa condom, ito’y isang beses lamang gagawin at malaki ang katipiran nito sa malawakang pagtanaw.

Sa buod, ang pagpapatali o bilateral tubal ligation (BTL) ay isang epektibong paraan ng family planning na isang beses lang gagawin at pagkatapos non, wala nang problema. Yun nga lang ito ay permanente at rekomendado lamang sa mga kababaihang nakatiyak na ayaw na nilang magkaroon ng karagdagang anak.

Vasectomy naman ang kabaliktaran ng tubal ligation; ito naman ang pagpapatali sa lalaki. Tunghayan ang paraan ng family planning na ito sa nakabukod sa artikulo, “Family planning: Pagpapatali sa lalaki o vasectomy.