Family Planning: Pagpapatali sa Lalaki o Vasectomy

Ang pagpapatali sa lalaki o vasectomy ang isang uri ng family planning kung saan ang vas deferens o daluyan ng sperm cells papunta sa tamod ay pinuputol o kaya’y tinatalian upang makahadlang sa pagbubuntis. Kung walang sperm cell na makakarating sa pwerta ng babae, walang “fertilization” na magaganap.·

Ang vasectomy o pagpapatali sa lalaki ay ginagawa sa pamamagitan ng isang simpleng operasyon na maaaring gawin kahit sa klinika lamang. May itinuturok lamang ng anesthesia, tapos may dalawang maliit na hiwa sa bayag na gagawin, tapos isasara na kaagad matapos magupit ang daluyan ng sperm cell.

Pag ikaw na ‘tinalian’ o na-vasectomy, hindi nito ibig-sabihin na wala nang semilya o tamod na lalabas sa iyong ari habang nakikipagtalik o nagjajakol. May tamod pa rin at hindi mababago ang dami nito; yun nga lang, wala nang sperm cell dito.·

Ang pagpapatali sa lalaki o vasectomy ay higit pa sa 99% na epektibo sa paghadlang sa pagbubuntis. Ito’y itinuturing na isa sa pinaka-epektibong paraan ng birth control o family planning. Ngunit tandaan na pagkatapos na pagkatapos ng pagpapatali, maaaring mayroon pang matirang sperm cells sa mga imbakan nito at aabutin ng 1-2 buwan bago tuluyang wala nang sperm cell na sumasama sa semilya.
Gaya ng pagpapatali sa babae o tubal ligation, ang pagpapatali sa lalaki ay permanente na. Maliban na lang sa mga artipisyal na paraan gaya ng IVF o in-vitro fertilization, hindi na maaaring makabuntis ang lalaki.

Ngunit tandaan, maaari paring mahawa at makahawa ng sexually-transmitted disease (STD) ang lalaking nagpatali, kaya maging responsable parin at gumamit ng condom kung kailangan.

Upang magpatali, magpunta sa iyong urologist at ikonsulta ang iyong desisyon na magpatali. Ito’y simpleng procedure lamang at maaaring gawin sa klinika ng urologist o iba pang doktor (kalimitan mga surgeon) na marunong mag-vasectomy. Bagamat mas mahal kung ikukumpara sa condom, ang vasectomy ay isahang beses lamang gagawin at malaki ang katipiran nito sa malawakang pagtanaw.

Bilang pambuod, ang pagpapatali sa lalaki o vasectomy ay isang epektibong paraan ng family planning na isang beses lang gagawin at pagkatapos non, wala nang problema. Yun nga lang ito ay permanente at rekomendado lamang sa mga kalalakihang wala nang kagustuhan makabuntis o magkaroon ng dagdag na anak.

Tubal ligation ang kabaliktaran ng vasectomy; ito naman ang pagpapatali sa babae. Tunghayan ang paraan ng family planning na ito sa nakabukod sa artikulo, “Family Planning: Pagpapatali ng babae o tubal ligation”.