Q: paano po kung nauudlot ang pag inom ng folic acic n nireseta sa akin? ano po ang pwedeng idulot nito saking pagdadalang tao lalo na’t unang anak ko po ito.?
A: Ang folic acid ay rekomendadong inumin ng mga nagdadalang-tao sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis (hanggang 12 na linggo), sapagkat ito’y nakakatulong maka-iwas sa pagkakaron ng mga karamdaman sa baby gaya ng mga neural tube defect (NTD) o problema sa spinal cord.
Nirerekomenda na ang mga buntis o ang mga gustong mabuntis ay uminom ng folic acid, 400 mcg bawat araw, hanggang 12 na linggo. May mga pagkain rin gaya ng mga gulay at ‘brown rice’ na may folic acid, at magandang kainin ng mga buntis.
Kung ikaw ay buntis at hindi ka naka-inom ng folic acid at hindi pa nakaka-12 linggo ay iyong pagdadalang-tao, bumalik sa pag-inom ng folic acid. Maraming preparasyon ng folic acid na nabibila sa alin mang botika. Kung nakalampas na ang 12 weeks, hindi na kailangang uminom nito. Huwag mag-alala sa lagay ng iyong baby, sapagkat hindi naman nangangahulugan na magkakaron ng sakit ang iyong baby kung hindi ka naka-inom ng folic acid. Subalit, makipag-ugnayan sa iyong doktor o OB-GYN kung anong mga dapat gawin. Halimbawa, ang Vitamin D ay rekomendadong inumin hanggang sa panganganak.
Tingnan ang artikulong “Wastong Nutrisyon Para sa Mga Buntis” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman tungkol sa wastong pagkain habang buntis.