Gamit, benepisyo, at iba pang epekto ng gamot na Glutathione

Nitong mga nakalipas na taon, nauso ang paggamit ng gamot na glutathione bilang pampaputi ng balat. Gustong gusto ito ng mga Pilipinong nagnanais na magkaroon ng kutis porselana na katulad ng balat ng mga dayuhan. Ngunit alam niyo ba na bukod sa pagpapaputi, ang glutathione din daw ay isang mabisang anti-oxidant, tumutulong sa pagpapasigla ng resistensya ng katawan, at maaari ding gamot sa ilang karamdaman ng tao? Ito ay pinatunayan ng ilang pag-aaral ng mga eksperto, at ayon pa sa kanila, marami pang ibang benepisyo ang maaaring makuha mula sa glutathione. Ano nga ba ang meron sa glutathione at gaano nga ba katotoo ang mga benepisyong ito?

Ano ang Glutathione?

Ang glutathione ay isang malakas na uri antioxidant na natural na nilalabas ng atay. Ito rin ay natural na makukuha sa mga prutas, gulay, at mga karne. Ito ay makikita rin sa bawat cells ng katawan at nagsisilbing proteksyon laban sa mga free radicals. Dahil ito ay isang uri ng antioxidant, tulad ng Vitamin C at Vitamin E, nakatutulong ito na pabagalin ang epekto ng mapanirang free radicals sa mga cells ng katawan. Ang free radicals ay nagdudulot ng pagkasira ng mga cells at nagdudulot ng pagtanda ng pisikal na anyo ng tao.

Anu-ano ang kayang gawin ng Glutathione?

Nakatutulong ng malaki ang glutathione sa paggana ng husto ng bawat cells sa katawan sapagkat bilang isang antioxidant, pinipigilan nito ang masasamang epekto ng free radicals sa mga cells. Tinutulungan din ng glutathione ang atay na salain at linisin ang katawan mula sa mga kemikal, at lason na pumapasok sa katawan gaya ng alak, polusyon na nalalanghap, at mga gamot o droga na iniinom.

Mabisa rin ito sa pagbawas ng side effects na maaaring makuha sa paggagamot ng chemotherapy sa mga taong may kanser. Ginagamit din ito bilang gamot sa ilang karamdaman at kondisyon gaya ng katarata, glaucoma, alcoholism, ilang karamdaman sa puso, atay, at baga, at iba pa. Sa huli, ang glutathione ay mabisang gamot sa halos lahat ng karamdaman, lalo na sa mga sakit na kaakibat ng pagtanda ng tao.

May side effect ba ang Glutathione?

Sa pangkalahatan, ang substansyang glutathione ay itinuturing na ligtas at wala pa namang napag-aalamang masamang epekto sa katawan. Ang isa sa mga madalas tignan na epekto ng gamot na glutathione ay ang pagputi ng balat na ngayon naman ay ginagamit bilang cosmetic treatment para sa mga nagnanais magpaputi.

Epektibo ba ang Glutathione bilang pampaputi?

Ang pagputi ng balat mula sa glutathione ay isang side effect ng gamot na ito. Ito ay dahil sa reaksyon ng glutathione sa enzyme na Tyrosinase at nakapagpapabagal ng produkson ng melanin sa balat. Matatandaan na ang melanin ay ang nagbibigay ng kulay sa balat ng tao. Sa ngayon, itinuturing naman na ligtas at epektibo ang paggamit ng glutathione bilang pampaputi, bagaman nangangailangan pa rin ng karagdagan pang pag-aaral na ito nga ay ligtas sa pangmatagalang panahon.