Gamot sa dengue? Suriin ang ebidensya.

Ang tawa-tawa o gatas-gatas ay isang halaman na pangkaraniwang tumutubo sa bakuran at sa tabi-tabi. Ang scientific name nito ay Euphorbia hirta. Ngayong taong 2010 kung kailan higit sa 70,000 ang kaso ng dengue na naitala sa buong bansa, ang paghahanap ng “gamot sa dengue” ay lumaganap rin. Ang pinakasikat na natukoy ng mga tao ay ang tawa-tawa o gatas-gatas. Maraming kwentong kumalat at maraming mga tao ang tumestigo sa bisa at talab ng tawa-tawa laban sa dengue. Anila, ito raw ay nakakataas ng platelet count.

Image Source: zamboanga.com

Ano ang katotohanan dito? May ebidensya ba tayo na ang tawa-tawa ay mabisa laban sa dengue?

Tayo’y magbalik-tanaw: ang ating mga katutubong manggagamot ay matagal nang natukoy ang halamang ito bilang isang halamang gamot.

Tayo nama’y manaliksik: Ayon sa mga pag-aaral ng ginawa sa France at Malaysia, mukhang may aksyon ang tawa-tawa sa katawan. Sa mga pangunahing pagsusuri ay nakita nila na ito’y maaaring magpababa ng lagnat, magpawala ng sakit sa katawan, at sumupil sa implamasyon o pamamaga ng katawan. Ito’y mga “preliminary findings” pa lamang na kinakailangang ng mas masuring pag-aaral, ngunit pinapakita na may batayan ang tawa-tawa bilang isang halamang gamot.

Sa makatuwid, maaari talagang makatulong ang tawa-tawa sa mga sintomas ng dengue kaya ng lagnat, sakit sa katawan, sakit sa ulo, at iba pa.

Ngunit sa ngayon, walang ebidensya na ang tawa-tawa ay nakakapagpataas ng platelet o direktahang sumusupil sa Dengue virus. Dahil dito, hindi maaaring ituring na gamot sa dengue ang tawa-tawa! Tandaan na uminom man ng gamot o hindi, sadyang aakyat ang platelet sa dengue. Hindi como uminom ka ng gamot ay yun na ang sanhi ng pagtaas ng platelet. Ang mahalaga ay suportahan ang katawan ng tubig, pahinga, at gamutin sa ospital kung medyo malala ang dengue.

Ano ngayon ang ating rekomendasyon ukol sa paggamit ng tawa-tawa o gatas-gatas? Hindi ito masamang subukan, at maaari itong makatulong sa mga sintomas ng dengue. Ngunit hindi dapat ipagpalit ang pagpapakonsulta at pagkakagamot sa doktor (at sa ospital kung kinakailangan). Maaaring makasama at makamatay kung tawa-tawa lang ang ibibigay dahil ang taong may dengue ay kailangang suportahan ng IV fluids, bed rest. Huwag ipagkait ang mga ito sapagkat sila’y napatunayan na na nakakapagligtas-buhay! Muli, huwag ipagpalit sa gamutang subok na sa gamot na susuriin pa lamang. Gusto kung mo talaga itong subukan, ito’y sabayan ng wastong gamutan.

References

Planta Med. 1991 Jun;57(3):225-31. Analgesic, antipyretic and anti-inflammatory properties of Euphorbia hirta. Lanhers MC, Fleurentin J, Dorfman P, Mortier F, Pelt JM.
Molecules. 2010 Aug 31;15(9):6008-18. Assessment of Euphorbia hirta L. leaf, flower, stem and root extracts for their antibacterial and antifungal activity and brine shrimp lethality. Rajeh MA, Zuraini Z, Sasidharan S, Latha LY, Amutha S. School of Distance Education, Universiti Sains Malaysia, Pulau Pinang, Malaysia.