Amorolfine

Kaalaman sa gamot na Amorolfine

Generic name: amorolfine, amorolfine hydrochloride

Brand name: Locetar

Kailangan ba ng reseta?: Hindi

Para saan ang gamot na ito?

Ang amorolfine ay gamot para sa impeksyon ng fungi sa mga kuko sa paa at kamay.

Anu-ano ang mga preparasyon ng gamot na Amorolfine?

Ang gamot na amorolfin ay maaaring nakahanda bilang cream o likidong pinapatak sa kuko.

Paano ito ginagamit?

Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor.

  • Ang amorolfine ay ginagamit lamang sa apektadong kuko.
  • Kiskisin muna ang kuko gamit ang nail file at punasan bago lagyan ng gamot.
  • Sundin ang tamang dami ng paggagamot, huwag sosobra at ilagay lamang sa apektadong kuko.
  • Huwag tatakpan ng plastic, benda o gasa ang bahagi ng balat na pinahiran ng gamot hanggat hindi pinapayo ng doktor.
  • Ituloy lang ang paggamit ng gamot sa buong haba ng panahon na inireseta ng doktor. Iwasang lumaktaw at huwag titigil kahit pa bumuti na ang itsura ng kuko.
  • Itago sa katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata.

Ano ang mga dapat tandaan sa paggamit ng Amorolfine?

Bago resetahan ng gamot, importanteng ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:

  • allergy sa amorolfine
  • buntis, nagpaplanong magbuntis, at nagpapasuso
  • gumagamit ng iba pang gamot na nabibiling over-the-counter

Gamitin lamang ang amorolfine nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na gagamitin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.

Iwasang lumaktaw o tumigil sa pag-lalagay ng gamot kung hindi naman pinayo ng doktor. Iwasan din lumampas sa itinakdang haba ng paggagamot. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng bagong impeksyon na may resistensya sa gamot at mahirap nang malunasan.

Puwede ba itong ibigay sa mga bata?

Nangangailangan ng masusing gabay mula sa mga doktor sa paggagamot nito sa mga kabataan. Huwag basta-bastang magbigay ng gamot sa mga kabataan hanggat hindi pinapayo ng doktor o pediatrician.

May side effects ba ang Amorolfine?

Bagaman ang side effects mula sa paggamit ng gamot na amorolfine ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng paggamit nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaroon nito. Narito ang ilan sa mga karaniwang epekto ng paggamit ng amorolfine:

  • pamamantal, pamamaga, pangangati, at pamumula sa balat na sintomas ng allergy
  • pangangati, pamumula at pamamaga ng balat sa paligid ng kuko
  • pag-iba ng kulay ng kuko
  • pagrupok at pagkasira ng kuko
  • pagkahiwalay ng kuko sa daliri

Agad na itigil ang paggamit ng gamot sa oras na maranasan ang mga epektong nabaggit at magtungo kaagad sa pagamutan.

Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang paggamit ng gamot?

Ang mga nabanggit na side effects ay maaaring maranasan sa oras na mapasobra ang paggamit ng gamot. Agad na magpatingin sa dermatologist o sa espesyalista sa balat kung napasobra ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.