Kaalaman tungkol sa Apatot bilang halamang gamot
Scientific name: Morinda littoralis Blanco; Morinda citrifolia Linn.
Common name: Apataot (Tagalog); Noni, Indian Mulberry (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang apatot ay isang kilalang bunga na matagal nang ginagamit bilang gamot. Ito ay mula sa maliit na puno, may mga malalapad na dahon at may maliliit din na bulaklak. Ang bunga ay kulubot-kulubot, kulay berde ang labas at may maputi na laman. Karaniwang nakikita sa mga lugar na malapit sa dalampasigan sa buong kapuluan ng Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Apatot?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang apatot ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Taglay ng bunga ang lignans, polysaccharides, flavonoids, iridoids, nonisides, scopoletin, catechin at epicatechin, damnacanthal, at alkaloids. Mayroon din itong volatile oil, morinda oil. Mayaman din ito sa octoanoic acid, potassium, vitamin A at C, terpenoids, anthroquinones, sitosterol, ß-carotene,flavone glycosides at linoleic acid.
- Ang ugat ay makukuhanan ng glucoside, morindine (C27H10O15), at morindine.
- Ang dahon naman ay makukuhanan ng flavanol glycosides, beta-carotene at iridoid glycosides
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang ginagamit na pantapal sa ilang mga kondisyon sa katawan o kaya’y kinakatasan upang mainom. Maaari din itong ilaga upang mainom.
- Bunga. Ang bunga ay maaaring kainin lamang, kuhanan ng katas at inumin.
- Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ng apatot ay nilalaga naman upang mainom.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Apatot?
Image Source: www.noninz.com
1. Iregular na pagreregla. Karaniwang kinakain ang bunga ng apatot upang matulungan ng pagreregla. Maari itong lagyan ng suka o asin.
2. Sugat. Ang sariwang dahon ng apatot ay maaari namang pantapal sa mga sugat upang mas mabilis na gumaling.
3. Ubo. Maaaring gamitin din ang dahon upang maibsan ang kondisyon ng pag-uubo. Ito’y itinatapat muna sa apoy at saka ipinangtatapal sa dibdib. Mabisa din para sa kondisyon ng ubo ang pagkain mismo sa bunga ng apatot.
4. Diabetes. Ang hinog na bunga ng apatot ay makatutulong din para makontrol ang sakit na diabetes. Maaaring ito ay kainin o kaya’y ilaga at inumin nang regular.
5. Karamdaman sa bato (kidney). Ang taong may mahinang bato ay maaari ding kumain ng hinog na bunga ng apatot o kayay inumin ang pinaglagaan nito.
6. Hirap sa pagdumi. Ang hinog na bunga ng apatot ay maaaring durugin at lagyan ng asukal bago kainin. Makatutulong ito na mas mapadali ang pagdudumi.
7. Sore throat. Ginagamit din na pangmumog ang katas ng bunga ng apatot upang maibsan ang kondisyon ng sore throat.
8. Gout. Ang pamamanas at pananakit ng mga kasukasuan dahil sa sakit na gout ay maaari namang maibsan sa pamamagitan ng pagpapahid ng katas ng dahon sa mga bahaging nananakit.
9. Lagnat. Dapat inumin ang pinaglagaan balat ng kahoy ng puno ng apatot para humupa ang pabalik-balik na lagnat.
10. Kanser. Ang iba naman ay naniniwala din na ang regular na pag-inom sa pinaglagaan ng bunga ng apatot ay makatutulong na makaiwas sa sakit na kanser.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.