Kaalaman tungkol sa Aratiles bilang halamang gamot
Scientific name: Muntingia calabura Linn.
Common name: Aratiles, Latires (Tagalog); Calabura, Cherry tree (Ingles)
Sikat ang aratiles dahil sa maliliit, bilog, at mapupulang bunga nito na hilig pitasin ng mga bata. Karaniwang tumutubo ang puno nito saan mang lugar sa bansa at sa iba pang lugar na nasa rehiyong tropiko. Ang dahon nito ay may maliliit na balahibo at patulis ang dulo.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Aratiles?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang aratiles ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bunga ng aratiles ay may taglay na flavanones at flavones
- Ang dahon at mga sanga naman ng aratiles ay makukuhanan ng chrysin, 2′,4′-dihydroxychalcone at galangin 3, 7-dimethyl ether
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bulaklak. Ang pinaglagaaan ng bulaklak ng aratiles ay mabisa laban sa ilang mga kondisyon sa katawan.
- Balat ng kahoy. Pinakukuluan ang balat ng kahoy ng puno ng aratiles upang ipainom at ipanggamot sa ilang mga sakit.
- Dahon. Kinukuhanan naman ng katas ang dahon upang ipanggamot sa may sakit. Maaari din itong ilaga at inumin na parang tsaa.
- Bunga. Ang bunga ay kinakain na mismo
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Aratiles?
1. Pananakit ng kalamnan (muscle cramps and spasm). Ang pinaglagaan ng bulaklak ng aratiles ay ginagamit na gamot sa pananakit ng mga kalamnan sa ilang bahagi ng katawan partikular sa tiyan. Ito ay iniinom na parang tsaa.
2. Panunuyo ng balat. Makatutulong din paghuhugas gamit ang pinaglagaan ng bulaklak ng aratiles sa pagpapabuti ng kutis ng balat. Ganito rin ang epekto ng paggamit sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng aratiles.
3. Sipon. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak ng aratiles ay may bisa rin sa pagpapabuti ng pakiramdam kapag may sipon.
4. Sakit ng ulo. Maiibsan din ang pananakit ng ulo sa pamamagitan ng pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak.
5. Impeksyon ng bacteria sa katawan. Makatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at mga sanga ng aratiles sa paglaban sa impektsyon ng mga bacteria sa katawan. Sinasabing ito raw ay kasimbisa ng mga standard na gamot na antibacterial na nabibili sa mga butika.
6. Lagnat. Nakapagpapababa din ng lagnat ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng aratiles.
7. Presensya ng nakasasamang free radicals. ang pagkain sa bunga ng aratiles ay sinasabing may epektong antioxidant na makatutulong sa paglaban sa mga Free Radicals na siyang nagdudulot ng pagtanda ng mga cells sa katawan.
8. Altapresyon. May epekto ring pampababa ng presyon ng dugo ang katas ng dahon ng aratiles.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.