Kaalaman tungkol sa Asitaba bilang halamang gamot
Scientific name: Angelica keiskei
Common name: Asitaba (Tagalog); Ashitaba, Tomorrow’s Leaf (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang asitaba ay isang maliit lamang na halaman na orihinal sa mga isla ng Japan. Kilala rin sa Pilipinas dahil sa mga benepisyong hatid nito sa kalusugan. Sa bansang Japan, ang mga dahon at ugat ay maaaring kainin bilang gulay o ginagawang sangkap sa ilang mga putahe.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Asitaba?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang asitaba ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ay mayaman sa Vitamin B12 at chalconoids. Mayroon din itong furocoumarins
- Ang ugat ay may taglay na psoralen, bergapten, xanthotoxin, at angelicin
- Mayroon pang mga kemikal na 1-cerotol, daucosterol, stigmasterol, quercetin-3-O-β-D-glucopyranside, luteolin-7-rhamno-glucoside, luteolin-7-O-α-D-glucpyranoside at steviol-l3-O-β-glucopyranoside 19-β-glucopyranosyl ester octaacetate
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Ang pagkain sa ugat bilang gulay, o pag-inom sa pinaglagaan nito ay makatutulong sa ilang mga kondisyong pangkalusugan.
- Dahon. Ang dahon ay kadalasang kinakain o kaya’y iniinom ang pinaglagaan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Asitaba?
1. Hirap sa pag-ihi. Ang pinaglagaan ng ugat ng asitaba ay mabisang panlunas sa problema sa pag-ihi.
2. Hirap sa pagdumi. Matutulungan din ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng asitaba ang kondisyon ng pagtitbi o hirap sa pagdumi.
3. Gatas ng nagpapasusong ina. Nakakapagpalakas ng produksyon ng gatas ng ina na nagpapasuso ang pagkain sa dahon ng asitaba.
4. Kanser. May ilang mga pag-aaral na nagsasabing may bisang pangontra sa kanser ang pagkain sa dahon ng asitaba.
5. Kawalan ng gana sa pagkain. Isang mahusay na pampagana ang pagnguya sa dahon ng asitaba.
6. Diabetes. Pinaniniwalaan din na ang pagnguya sa dahon ng asitaba ay makatutulong para makontrol ang kondisyon ng diabetes.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.