Kaalaman tungkol sa Asparagus bilang halamang gamot
Scientific name: Asparagus officinalis Linn.; Asparagus polyphyllus Stev.
Common name: Asparagus (Tagalog), Asparagus (Ingles)
Ang asparagus ay kilalang-kilala na gulay na kinakain ng mga Pilipino. Ang halaman ay maliit lamang na may maliliit at mala-kaliskis na mga dahon at maliliit na bilog na bunga. Karaniwan itong tumutubo sa mga malalamig na bansa sa Europa. Sa Pilipinas, ito ay makikita sa matataas na lugar tulad ng Benguet at Baguio.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Asparagus?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang asparagus ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang ugat ng asparagus ay makikitaan ng ilang mga substansya at kemikal gaya ng sugar, gum, albumen, chloride, acetate at phosphate of potash, malates, at iba pa.
- Ang bunga ay may taglay na grape-sugar at sparagancin.
- Ang buto ay kinukuhanan ng langis, aromatic resin, sugar, at spargin.
- Sa dahon naman, makakakuha ng amino acids at ilang mga inorganic na mineral
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ang buong halaman ng asparagus ay ginagamit bilang halamang gamot. Karaniwang pinakukuluan ang buong halaman at iniinom ang sabaw.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Asparagus?
1. Rayuma. Kadalasang ginagamit ang katas ng halaman para ipanggamot sa pananakit ng mga kasukasuan dulot ng rayuma. Maaaring pakuluan ang halaman at ipainom ang pinaglagaan nito.
2. Tuberculosis. Ang ugat ng halamang asparagus ay ginagamit ding panglunas sa karamdamang tuberculosis.
3. Hirap sa pag-ihi. Mabisa ring panglunas sa hirap sa pag-ihi ang pag-inom ng pinaglagaan ng ugat ng asparagus.
4. Pamamanas o gout. Ang pinakuluang gulay na asparagus ay mabisang panglunas din sa pamamanas at gout sa ilang bahagi ng katawan.
5. Cancer. May ilang pag-aaral din ang nagsasabing may taglay na ilang mga sustansya na makapagpapaliit o makakabawas ng pagkalat ng cancer cells sa katawan.
6. Pananakit ng ngipin. Sa ibang lugar, sinusunog ang ugat ng asparagus at pinapaamoy sa taong nakararamdam ng pananakit ng ngipin.
7. Hirap sa pagdumi o pagtitibi. Ang ugat ng halaman ay karaniwang ginagamit din para padaliin ang pagdudumi.
8. Hang over. Nakatutulong ang pag-inom ng pinaglagaan ng asparagus at pagkain ng mismong gulay nito sa pagbawas ng epekto ng alak sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.