Atis

Kaalaman tungkol sa Atis bilang halamang gamot

Scientific name: Annona squamosa Linn.; Annona asiatica Linn.

Common name: Atis (Tagalog), Sugar Apple, Sweetsop, Custard Apple

Kilala ang halaman na atis dahil bunga nito na paborito ng maraming Pilipino. Mayroon itong berde, bilugan ngunit umbok-umbok na bunga na may maputing laman at maiitim na mga buto. Karaniwan ding makikita ang puno nito na tumtubo sa buong kapuluan ng Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Atis?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang atis ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang dahon nito ay makukuhanan ng alkaloid na chloroplatinate
  • Makikita rin ang isa pang alkaloid na anonaine sa dahon, buto, at balat ng kahoy nito.
  • Ang balat ng bunga ng atis ay mayroong alkaloids, proteins, carbohydrates, flavanoids, glycosides, saponins, at tannins.
  • Ang buto ng atis ay makukuhanan ng alkaloid, neutral resin, at fixed oil

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ng atis ay maaaring pakuluan para inumin, o kaya ay dikdikin upang ipampahid.
  • Bunga. Maaaring kainin mismo ang bunga ng atis. Ginagamit din ang hilaw na atis sa panggagamot sa pamamagitan ng pagkuha sa katas nito at ipinangpapahid sa apektadong bahagi ng katawan.
  • Buto. Ang buto ay kadalasang dinudurog at hinahalo sa langis upang gamiting panghugas o pampahid.
  • Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ng punong atis ay maaaring pakuluan at ipainom sa may sakit.
  • Ugat. Ang ugat ay pinapakuluan din upang mainom ng may sakit.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Atis?

1. Pagnanana. Ang dinikdik na dahon na pinahiran ng asin ay inilalagay sa sugat na nagnanana upang mabilis na maghilom at mapalabas ang mga nana.

2. Kuto at lisa. Dinudurog ang buto ng atis at inilalagay sa langis upang ipambabad sa ulo na may kuto at lisa. Iniiwan ito ng isang buong gabi bago banlawan kinabukasan.

3. Pagtatae. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng atis ay mabisa upang pigilan ang pagdudumi.

4. Bulate sa tiyan. Ang pinaglagaan din ng ugat ng puno ng atis ay mabisa bilang pampurga sa mga bulate sa tiyan. Kailangan lamang inumin ito.

5. Rayuma. Maaaring ipanghugas o ipanligo sa bahagi ng katawan na sumasakit dahil sa rayuma ang pinaglagaan ng dahon ng atis upang mabawasan ang pananakit.

6. Pagkahimatay. Isinisiksik sa ilong ang dinikdik na dahon ng atis upang magising ang taong hinimatay.

7. Kagat ng insekto. Ang pagpapahid ng katas ng hilaw na bunga ng atis ay mabisa para sa malalang kagat ng insekto.

8. Diabetes. Pinapainom din ng pinaglagaan ng murang dahon ng atis ang mga taong may karamdamang diabetes.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.