Kaalaman tungkol sa Lotus bilang halamang gamot
Scientific name: Nymphaea nelumbo Linn.; Nelumbo nucifera Gaertn.; Nelumbium speciosum Willd.
Common name: Baino (Tagalog); Lotus, Oriental Lotus (Ingles)
Ang halamang lotus ay karaniwang nakikitang lumulutang sa mga tubigan, lawa, o mapuputik na lugar sa mga kapatagan. Kilala ang bulaklak nito na may angking ganda at kadalasan ay kulay puti, mamula-mula, dilaw, o pink. Ang buto ay lumalabas sa gitna ng bulaklak, habang ang dahon ay bilugan at malapad. Orihinal na nagmula sa mga bansa sa silangang Asya.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Lotus?
Ang iba’t ibang bahagi ng lotus ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang mga buto ng lotus ay makukuhanan ng nelumbine. Meron din itong flavonoid at alkaloid. Makukuha din sa buto ang protein, carbohydrates, ash, vitamin C2, at copper oxide.
- Ang mga maliliit na ugat ay may taglay namang starch, ash, vitamin C1, asparagin, protein, at fat
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Ang ugat ng lotus ay maaaring ilaga upang inumin o dikdikin upang ipantapal.
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang dinidikdik upang ipantapal din.
- Bulaklak. Karaniwang nilalaga ang bulaklak upang mainom o ipanghugas sa katawan.
- Buto. Ang mga buto ay maaaring dikdikin, ilaga o kainin mismo.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Lotus?
1. Pagtatae. Ang pinaglagaan ng bulaklak ng lotus ay mabisang panlunas sa kondisyon ng pagtatae.
2. Ubo. Ang katas ng bulaklak ay maaaring inumin upang malunasan ang ubo.
3. Syphilis. Ang pinaglagaan ng bulaklak ay dapat namang ipanghugas sa sa bahagi ng katawan na apektado ng sakit.
4. Dysenteria. Ang pinaglagaan ng mga buto ay mabisa naman para sa malalang kondisyon ng dysenteria.
5. Lagnat. Makatutulong ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng lotus na noo ng may mataas na lagnat.
6. Pananakit ng sikmura. Ang pinaglagaan ng bulaklak ay mabisa rin para sa pananakit ng sikmura dulot ng cramps o pulikat.
7. Buni. Mabisa naman para sa impeksyon ng fungi sa balat gaya ng buni ang pagpapahid ng katas ng dinikdik na ugat ng lotus.
8. Free radicals. Sinasabing malakas na antioxidant ang mga buto ng lotus kung kaya’t makabubuti ang pag-inom sa pinaglagaan ng buto para harangin ang mga free radicals sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.