Balanoy (Sweet Basil)

Kaalaman tungkol sa Balanoy o Basil bilang halamang gamot

Scientific name: Ocimum basilicum Linn.; Ocimum bullatum Lam.; Ocimum americanum Jacq.; Ocimum sanctum   

Common name: Balanoy o Solasi (Tagalog); Sweet Basil o Basil (Ingles)

Ang basil ay kilalang dahong pampalasa (herbs) na ginagamit sa pagluluto dahil sa angking amoy nito na mabango. Ang maliit na halamang ito ay madaling tumutubo sa iba’t ibang lugar sa bansa. Madali ring makakahanap at makabibili nito sa mga pamilihan na maaaring sariwa pa o pinatuyo at dinurog na.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Balanoy (Basil)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang basil ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang pinatuyong dahon ay makukuhanan ng essential oil, na may linalool at methyclaviol.
  • Ang bulaklak ay mayroon namang volatile oil
  • Bukod sa mga nabanggit mayroon pang caffeic acid, p-coumaric acid, p-cymene, limonene, 1,8-cineole, methyl cinnamate, myrcene, quercetin, rutin, tryptophan, safrole sa dahon nito.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay maaaring katasan, dikdikin, tadtarin at ipahid sa mahagi ng katawan na dapat gamutin. Maaari din itong ilaga at inumin na parang tsaa. Ang langis na nakukuha sa dahon ay mabisa ring panggamot sa ilang mga karamdaman.
  • Buto. Ang dinurog na buto ng balanoy ay mabisa kung ipapahid sa bahagi ng katawan na may karamdaman. Maaari ring inumin ang pinaglagaan ng buto nito.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Balanoy (Basil)?

1. Ubo na may makapit na plema. Mabisa sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng balanoy. Makatutulong ito sa palambutin ang makapit na plema upang mailabas.

2. Pagsusuka. Ang pinaglagaan ng dahon ng balanoy ay mabisa rin sa pagpapahinto ng tuloy-tuloy na pagsusuka.

3. Kabag. Maaaring maibsan ang pananakit ng tiyan na dulot ng kabag sa tulong ng pag-inom ng pinakuluang dahon ng basil.

4. Pananakit ng tenga. Maaaring ipatak sa loob ng tenga ang katas ng dahon ng balanoy upang maibsan ang pananakit.

5. Rayuma. Ipinanghuhugas sa bahagi ng katawan na dumaranas ng pananakit dulot ng rayuma ang pinaglagaan ng dahon ng basil.

6. Buni. Ang katas ng dinikdik na dahon ay ipinapahid sa apektadong balat.

7. Pananakit ng ngipin. Ang bulak na binasa sa katas ng dahon ng basil ay maaaring isiksik sa bulok na ngipin upang mawasan ang pananakit.

8. Hirap sa pagdumi. Pinapainom ng pinaglagaan ng buto ng basil ang taong dumadanas ng hirap sa pagdumi o pagtitibi.

9. Pagtatagihawat. Ipinanghuhugas sa bahagi ng balat na may tagihawat ang pinaglagaan ng pinatuyong dahon ng balanoy.

10. Tulo. Ipinanghuhugas din sa apektadong ari ang pinaglagaan ng buto ng balanoy.

11. Pagtatae. Maaaring inumin ang pinaglagaan ng buto ng balanoy upang mapahinto ang pagdudumi.

12. Iritasyon sa mata. Upang maibsan ang pakiramdam, maaaring ipatak sa mata ang pinaglagaan ng buto ng balanoy.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.