Balbas-bakiro

Kaalaman tungkol sa Balbas-bakiro bilang halamang gamot

Scientific name: Momordica cochinchinensis (Lour.) Spreng; Momordica meloniflora Hand.-Mazz.; Momordica macrophylla Gage

Common name: Balbas-bakiro, Patolang-uwak (Tagalog); Baby jackfruit, Cochinchin gourd, Spiny bitter cucumber (Ingles)

Ang balbas bakiro ay isang gumagapang na halaman (vine) na karaniwang matatagpuan sa mga lugar na nasa Timog-Silangang Asya kung saan kabilang ang Pilipinas. Ang mga dahon ay palapad at nababalutan ng maliliit na mga buhok. Ang bunga ay mabilog, may tusok-tusok na balat at maaaring kulay dilaw o berde. Ang laman ay mamulamula at may mga malalaking buto.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Balbas-bakiro?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang balbas-bakiro ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang laman ng bunga ay mayaman sa ß-carotene at lycopene. Makukuhanan din ito ng vitamin E
  • May taglay ding heptacosane, ursolic acid, oleanolic acid, 18-pentatriacontanone, stigmast-4-ene-3ß,6a-diol at stearic acid

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Karaniwang kinakatasan ang ugat upang magamit na panggamot sa ilang kondisyon.
  • Buto. Ang mga buto ay karaniwang pinatutuyo at nilalaga upang mapainom sa may sakit. Maaari ding kuhanan ng langis ang mga buto upang magamit sa panggagamot.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Balbas-bakiro?

  1. Kuto at lisa. Ang mga peste sa ulo ay maaaring maalis sa tulong ng paglalagay ng katas ng ugat ng balbas bakiro. Ginagamit ito na parang sabon o shampoo.
  2. Ubo. Mabisang panglunas sa kondisyon ng pag-uubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng pinatuyong buto ng balbas bakiro.
  3. Paglalagas ng buhok. Maaari ding ipahid sa ulo ang katas ng ugat ng balbas bakiro upang maiwasan ang patuloy na paglalagas ng buhok.
  4. Pagsusugat. Ang mas mabilis na paghilom ng sugat ay matutulungan din ng pagpapahid ng langis mula sa buto ng balbas bakiro.
  5. Hirap sa pagdumi. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ay makatutulong na maibsan ang pagtitibi o hirap sa pagdumi.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.