Bali-Bali

Kaalaman tungkol sa Bali-Bali bilang halamang gamot

Scientific name: Euphorbia tirucalli Linn.; Euphorbia rhipsalioides

Common name: Bali-bali, Konsuerda (Tagalog); Finger tree, Finger euphorbia, Milk bush (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph
Ang bali-bali o milk bush sa Ingles ay isang maliit na puno na kilala sa pagkakaroon ng berde at malambot na mga sanga. May pailan-ilang maliliit at bilugang dahon na tumutubo sa halaman. Ito ay makikitang pananim sa maraming lugar mula Luzon hanggang Mindanao, ngunit ito ay kalimitang ginagamit bilang halamang ornamental sa mga paso at hardin.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bali-Bali?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bali-bali ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng buong halaman ang kemikal na caoutchouc.
  • Mayroon din itong alkaloid, coumarins, polyphenols, tannins, at triterpenes
  • Makukuhanan din ng cyclotirucaneol, cycloeuphordenol, tirucalicine, tirucaligine, euphorginol, at euphorcinol ang halaman

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Ang ugat ng halaman kalimitang pinakukuluan at pinapainom sa may sakit, o kaya ay dinidikdik upang magamit na pantapal sa ilang kondisyon sa balat.
  • Dagta. Ang malapot na dagta ay mabisang pampahid sa ilang mga karamdaman.
  • Tangkay. Ang malalambot na sanga at tangkay ay kalimitang nilalaga upang mainom, o kaya ay dinidikdik upang ipampahid.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Bali-Bali?

  1. Pananakit ng sikmura. Ang ugat ay dinidikdik at hinahalo sa langis ng niyog upang magamit na pampahid sa sumasakit na sikmura. Maaari ding inumin ang pinaglagaan ng mga sanga upang maibsan ang pananakit.
  2. Sugat. Maaari namang ipahid sa sugat ang dagta ng bali-bali upang mapabilis ang paghilom nito.
  3. Rayuma. Ginagamit din na pampahid sa nanakit na mga kasukasuan ang dinikdik na mga sanga at ugat ng halaman.
  4. Pananakit sa tenga. Maaaring patakan ng katas ng halaman ang loob ng tenga na nananakit.
  5. Pangangati sa balat. Mabisang panglunas sa iritasyon sa balat na may kasamang pangangati ang pagpapahid ng dagta ng halaman.
  6. Bulate sa tiyan. Matutulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ang pagpupurga sa bulate sa tiyan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.