Balimbing

Kaalaman tungkol sa Balimbing bilang halamang gamot

Scientific name: Averrhoa carambola Linn.; Averrhoa pentandra Blanco

Common name: Balimbing (Tagalog); Carambola (Espanyol); Star Fruit (Ingles)

Ang balimbing ay isang karaniwang halaman na tumutubo sa mga bansang nasa rehiyong topiko. Tumutubo ang maliit nitong puto sa buong kapuluan ng Pilipinas. Pinaka kilala ang bunga nito na may mala-bituing hugis at kakaibang lasa.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Balimbing?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang balimbing ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang mga dahon at bunga ng balimbing ay may taglay na saponins, alkaloids, flavonoids at tannins
  • Ang buto naman ng balimbing ay makukuhanan ng alkaloid, harmaline, at C13H14N20.
  • Ang bunga ng balimbing ay kilala ring mapagkukunan ng iron at Vitamin B at C. Mayaman din ito sa oxalate at potassium

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ng balimbing ay kadalasang pinapakuluan at pinapainom sa pasyente. Maaari din itong dikdikin at ipantapal sa balat para sa ilang mga kondisyon.
  • Bulaklak. Ang bulaklak ay pinapakuluan din at iniinom ang pinaglagaan para sa ilang mga kondisyon sa katawan.
  • Bunga. Ang bunga ng balimbing ay maaaring kainin mismo, o katasan upang mainom ang juice. Maaari rin itong pakuluan at ipa-inom sa pasyente.
  • Buto. Ang buto naman ay dinudurog at pinupulbos at inihahalo sa inumin upang ipanggamot sa ilang mga karamdaman.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Balimbing?

1. Lagnat. Nakatutulong sa pagpapababa ng lagnat ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng balimbing. Maaari ring ipantapal ang dinikdik na dahon sa ilang bahagi ng katawan upang mapababa ang lagnat.

2. Pananakit ng dibdib (angina). Pinapainom din ng pinaglagaan ng dahon ng balimbing ang mga taong dumaranas ng pananakit ng dibdib o angina.

3. Bulate sa tiyan. Ang pag-inom sa pinakuluan ng bulaklak ng balimbing ay epektibo sa pag-aalis ng bulate sa tiyan.

4. Pananakit ng ulo. Inilalagay sa ulo ang dinikdik na dahon ng balimbing upang mabawasan ang pananakit.

5. Pagsusuka. Ang pinaglagaan ng dahon at bunga ng balimbing ay makatutulong sa pagtigil ng tuloy-tuloy na pagsusuka.

6. Iritasyon sa mata. Ang katas ng bunga ng balimbing ay ipinapatak sa mata kung dumaranas ng iritasyon dito.

7. Pagkokombulsyon. Tumtulong sa pagtigil ng panginginig ng kalamnan dulot ng pagkokombulsyon ang pag-inom sa katas ng bunga ng balimbing.

8. Hika. Ginagamit sa paggagamot ng sakit na hika ang pag-inom sa dinurog na buto ng balimbing na hinalo sa inumin.

9. Kakulangan ng potassium sa katawan. Ang bunga ng balimbing ay may mataas na lebel ng potassium, kung kaya, maaari itong gamitin bilang supplement sa kakulangan ng postassium sa katawan.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.