Bataw

Kaalaman tungkol sa Bataw bilang halamang gamot

Scientific name: Dolichos lablab Linn.; Dolichos purpureus L.

Common name: Bataw (Tagalog); Hyacinth Bean, Lablab bean (Ingles)

Ang bataw ay isang gumagapang na halaman na kilala dahil sa bunga nito na ginagawang gulay. Ang mga dahon at bunga ay bahagyang mamula-mula, habang ang bulaklak naman ay maputi at bahagyang kulay lila o pink. Karaniwang pananim sa mabababang lugar sa Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bataw?

Ang iba’t ibang bahagi ng bataw ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang murang bunga ng bataw ay makukunan ng calcium, phosphorus at iron.
  • Ang mga buto ay mayroong protein, fat, ash, hydrocyanic acid, emulsin, allantoinase, at vitamin C
  • Ang bulaklak ay mayroon namang luteolin, cosmosiin, leteolin-4^-0-beta-D-glucopyranoside, luteolin-7-0-beta-D-glucopyranoside, rhoifolin, at D-mannitol

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ng bataw ay maaaring gamitin bilang pantapal o kaya ay nilalaga upang mainom.
  • Bunga. Ang bunga o pods ng bataw ay maaari ding katasan upang magamit sa panggagamot.
  • Buto. Ang mga buto ay maaaring kainin bilang gulay pagkatapos ilaga.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Bataw?

  1. Tulo. Ang pinaglagaan ng dahon ng bataw ay mabisa para sa tulo o gonorrhea kung iinumin.
  2. Tuklaw ng ahas. Ginagamit ng ilan ang dinikdik na dahon ng bataw bilang pantapal sa sugat mula sa tuklaw ng ahas.
  3. Sugat. Ang katas naman ng dahon na hinaluan pa ng dayap ay mabisa na panghilom sa sugat.
  4. Sore throat. Ang katas mula sa bunga ng bataw na nilagyan ng kaunting asin ay mabisang panlunas din sa sore throat.
  5. Eczema. Maaari namang gamitin para sa kondisyon ng eczema ang pagtatapal ng dinikdik na sariwang dahon ng bataw.
  6. Pananakit ng sikmura. Ang mga buto ay dapat kainin kung sakaling nakararanas ng pananakit ng sikmura.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.