Kaalaman tungkol sa Bawang bilang halamang gamot
Scientific name: Allium sativum Linn.; Allium pekinense Prokhanov
Common name: Bawang (Tagalog), Garlic (Ingles)
Ang bawang ay isang kilang-kilalang halaman na karaniwang ginagamit sa maraming lutuin. Ang maputing bungang ugat ay may angking lasa at amoy na gustong gusto pampalasa ng marami. Ang mga dahon nito ay tumutubo nang pahaba at pataas. Sa Pilipinas, ang bawang ay inaani sa ilang mga probinsya na may malawak na bukirin gaya ng Ilocos Norte, Batangas, Nueva Ecija, Mindoro at Cotabato.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bawang?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bawang ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bungang ugat ng bawang ay may taglay na saponins, tannins, sulfurous compound, prostaglandins, alkaloids, volatile oils, at allicin.
- Ang dahon naman ay may protein, fat, at sulfides.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ang bunang ugat (bulb) ng bawang ang pangunahing bahagi ng halamang ito na ginagamit bilang gamot at sangkap sa mgaraming lutuin. Maaari itong gamitin o kainin nang hilaw. Maaari ring dikdikin, tadtarin, upang mas makuha ang katas. Maaari rin itong ilaga at inumin nang parang tsaa ang pinaglagaan.
- Dahon. Ginagamit din ang dahon ng bawang upang ipanggamot sa ilang mga karamdaman. Madalas itong pinakukuluan kasama ng bungang ugat ng bawang.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Bawang?
1. Altapresyon. Kilalang mahusay na paggamot sa sakit na altapresyon ang bawang. Kadalasan, pinapanguya o sinisipsip ang hilaw na bawang upang mapabagsak ang mataas na presyon ng dugo. Ang pag-inom ng pinaglagaan ng bawang ay mahusay din sa pagpapababa ng presyon ng dugo.
2. Ubo. Mabisa ding gamot ang pagnguya ng hilaw na bawang sa pagpapaluwag ng paghinga at pagpapalambot ng makapit na plema sa tuwing inuubo. Maaari ding inumin ang pinaglagaan ng dahon at bungang ugat ng bawang upang mas mapabuti ang pakiramdam.
3. Rayuma. Ang pagpapahid ng dinikdik na bawag sa bahagi ng katawan na dumadanas ng pananakit dulot ng rayuma ay pinaniniwalaang mabisang nakakaalis ng pananakit.
4. Tonsilitis. Ang katas ng dinikdik na bawang ay mabisang panglunas sa pamamaga ng tonsils na siyang nagdudulot ng hirap sa paglunok.
5. Pananakit ng ulo. Pinangpapahid sa sentido ng ulo ang dinikdik na bawang upang mabawasan ang nararamdamang sakit.
6. Hika. Ang katas ng dinikdik na sariwang bawang ay epektibong gamot para pahupain ang mga sintomas na nararanasan dahil sa hika.
7. Sugat. Mahusay ding panglinis sa sugat ang katas ng sariwang bawang. Dapat lamang ipahid ito sa paligid ng sugat upang hindi maimpeksyon.
8. Kagat ng insekto. Ang pagpapahid ng dinikdik na bawang sa kagat ng insekto ay mabisa ring gamot upang mawala ang pangangati o hapdi sa bahaging apektado.
9. Kanser. May mga pag-aaral na nagsasabing may epekto raw sa pagpapababa ng posibilidad ng pagkalat ng colon at prostate cancer ang tuloy-tuloy na pagkain ng bawang sa loob ng ilang linggo.
10. Impeksyon ng mikrobyo sa tiyan. Mahusay din na panglinis sa daluyan ng pagkain gaya ng tiyan at bituka ang pag-inom sa katas ng bawang.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.