Kaalaman sa Gamot na Bilastine
Generic name: Bilastine
Common name: Bilaxten
Kailangan ba ng reseta?: Oo
Para saan ang gamot na ito?
Ang bilastine ay isang uri ng antihistamine na umeepekto laban sa mga sintomas na dulot ng allergic reaction. Kadalasan itong inirereseta para sa kondisyon ng allergic rhinitis, at pagkakaroon ng urticaria o pantal pantal sa balat.
Anu-ano ang preparasyon ng gamot na Bilastine?
Ang bilastine ay karaniwang nakahanda bilang tableta.
Paano ito ginagamit?
Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor.
- Ang bilastine ay iniinom nang walang laman ang tiyan. Maaaring inumin ito nang 1 oras bago kumain o 2 oras pagkatapos kumain.
- Ang tableta ay lunukin nang buo, huwag dudurugin o hahatiin. Uminom din ng isang basong tubig.
- Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag doblehin ang iniinom na gamot o ibahin ang oras ng pag-inom nito.
- Ituloy lang ang pag-inom ng gamot sa buong haba ng panahon na inireseta ng doktor. Iwasang lumaktaw ng pag-inom at huwag titigil kahit pa bumuti na ang pakiramdam.
- Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
- Itago sa refrigerator o sa lugar na may katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Agad ding itapon ang napasong gamot.
Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Bilastine?
Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:
- allergy sa bilastine
- buntis, nagpaplano na mag-buntis, o nagpapasuso
- problema sa bato, at atay
- umiinom ng iba pang gamot
Gamitin lamang ang bilastine nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.
Puwede ba itong ibigay sa mga bata?
Huwag basta-bastang magbibigay ng gamot sa mga bata, lalo nasa edad na 6 taon o mas bata pa. Kinakailangan ang masusing gabay mula sa doktor o pediatrician sa pagbibigay ng gamot sa mga bata.
May side effects ba ang gamot na Bilastine?
Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na bilastine ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga side effect. Narito ang ilan sa mga seryosong epekto ng pag-inom ng bilastine.
- mabilis na pagtibok ng puso, at pagkabog ng dibdib
- pagkokombulsyon
- panghihina na parang mahihimatay
- paninilaw ng balat
Ang mga karaniwang epekto naman ay ang sumusunod:
- pagkahilo at sobrang antok
- pananakit ng ulo
- paghilab ng tiyan, at pagtatae
- panlalabo ng paningin at pamumula ng mata
- pagdurugo ng ilong
- panunuyo ng bibig, at hirap sa paglunok
Sa oras na maranasan ang mga side effects na nabanggit, agad na itigil ang paggagamot at kumonsulta agad sa doktor.
Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng Bilastine?
Ang mga nabanggit na side effects ay maaaring maranasan sa oras na mapasobra ang pag-inom ng gamot. Agad na magpatingin sa doktor kung naoverdose ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.