Broccoli

Kaalaman tungkol sa Broccoli bilang halamang gamot

Scientific name: Brassica oleracea Linn.; Brassica sykvestris (L.) Mill.

Common name: Broccoli

Image Source: kalusugan.ph

Ang broccoli ay kilalang gulay na karaniwang nakikita sa hapag ng mga Pilipino. Ito ay berde na kahalintulad ng gulay na cauliflower. Ang halamang ito ay karaniwang nakatanim sa matataas na lugar gaya ng Baguio at Benguet.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Broccoli?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang broccoli ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng gulay na ito ang glucosinolates, dithiolthiones, indoles, glucoraphanin, S-methyl cysteine sulfoxide, isothiocyanates, at indole-3-carbinol.
  • Mayaman din sa antioxidant
  • Makukuhanan pa ng dietary fibers, vitamin A, vitamin B complex, vitamin C at mga mineral gaya ng iron.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bulaklak. Ang bulaklak na siyang karaniwang kinakain bilang gulay ay maaaring gamitin sa panggagamot. Ito’y kadalasang nilalaga at pinapainom sa may sakit.
  • Dahon. Ang dahon na bumabalot sa bulaklak ay maaari ding ilaga o kaya’y dikdikin upang magamit na pantapal sa ilang kondisyon sa katawan.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Broccoli?

Image Source: www.freshfruitportal.com

  1. Rayuma. Ang mga bahagi ng katawan na nananakit dahil sa rayuma at gout ay maaaring bahiran ng dinikdik na halamang broccoli.
  2. Anemia. Ang mataas na taglay na iron ng gulay ay makatutulong para sa kondisyon ng anemia. Maaaring ipakain bilang gulay ang murang bulaklak ng broccoli sa mga taong may sakit.
  3. Hirap sa pag-ihi. Ang pagkain din sa gulay na broccoli ay mabisang makakatulong para sa kondisyon ng hirap sa pag-ihi.
  4. Sugat. Maaaring ipantapal naman sa sugat ang dahon na pinainitan sa apoy o plantsa upang maiwasan ang impeksyon at mapabilis ang paghilom.
  5. Scurvy. Ang kondisyon na scurvy na nakukuha dahil sa kakulangan sa vitamin C ay maaaring magamot ng pagkain sa gulay na broccoli.
  6. Pananakit ng sikmura. Matutulungan din ng pagkain sa gulay na broccoli ang pananakit sa sikmura.
  7. Panunuyo ng balat. Ang katas mula sa dinikdik na bulaklak ng broccoli ay maaaring ipampahid sa nanunuyong balat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.