Kaalaman tungkol sa Bulak-Manok bilang halamang gamot
Scientific name: Ageratum conyzoides Linn.; Ageratum latifolium Cav.; Ageratum cordifolium Roxb.
Common name: Bulak-manok, Tagulinaw (Tagalog); Billy goat weed, goat weed (Ingles)
Ang bulak-manok ay isang maliit lamang na halaman na karaniwang tumutubo sa mga bakanteng lote, gilid ng kalsada, at sa mga damuhan. Nababalot ng maliliit na buhok ang buong halaman. Ang mga bulaklak ay maliit lamang at maaaring kulay puto, asul, lila, dilaw, o pula.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bulak-Manok?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bulak-manok ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ay may taglay na langis na may sesquiterpene, ageratochromene, demethoxyageratochromene, at monoterpene hydrocarbons.
- Ang halaman ay makukuhanan naman ng coumarin. Mayroon din itong flavonoids, triterpene, sterols, at alkaloids
- Ang iba pang bahagi ng halaman gaya ng ugat at mga tangkay ay may alkaloids, flavonoids, saponins, tannins, glycosides, resins, phenols. May sustansya din itong proteins, at carbohydrates
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang sariwang dahon ng bulak-manok ay karaniwang ginagamit na pantapal sa ilang mga kondisyon at karamdaman
- Bulaklak. Ang bulkalak ng halaman ay karaniwang nilalaga kasama ng iba pang bahagi ng halaman upang mainom at makagamot sa ilang kondisyon.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Bulak-Manok?
- Sugat. Maaaring gamitin para sa mabilis na paghilom ng sugat ang pagtatapal ng dinikdik na sariwang dahon ng bulak-manok. Maaari ding ihalo ang dahon sa langis ng niyog bago ipantapal sa sugat.
- Pananakit ng sikmura. Maaari namang inumin ang pinaglagaan ng ilang mga bahagi ng halamang bulak-manok gaya ng bulaklak, ugat, at dahon para maibsan ang pananakit ng sikmura.
- Ubo. Ginagamit din na panlunas para naman sa ubo ang pinaglagaan ng halamang bulak-manok.
- Pananakit ng ulo. Ang dinikdik na dahon ng halaman ay maaaring ipantapal sa sentido para maibsan ang pananakit ng ulo.
- Impeksyon sa tenga. Ang katas ng sariwang halaman ay maaaring ipampatak sa butas ng tenga na dumadanas ng pananakit dahil sa impeksyon.
- Eczema. Ang implamasyon ng balat o eczema ay maaaring pahiran ng dinikdik na halaman upang humupa ang kondisyon.
- Lagnat. Pinapainom din ng pinaglagaaan ng halaman ang taong dumadanas ng pagtaas ng lagnat.
- Pigsa. Mabisa rin para sa pigsa ang pagtatapal ng dinikdik na dahon at bulaklak ng halaman sa apektadong bahagi ng katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.