Kaalaman tungkol sa Bunga (Betel Nut) bilang halamang gamot
Scientific name: Areca alba Rumph.; Areca catechu Linn.; Areca hortensis Lour.
Common name: Bunga (Tagalog); Areca Nut Palm, Betel Nut Palm (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang bunga o betel nut ay kilalang-kilala sa maraming lugar sa Pilipinas at sa mga karatig bansa dahil sa pagiging sangkap nito pagnguya ng moma o nganga. Ang puno nito na mala-niyog ang itsura ay tumutubo sa maraming lugar sa kapuluan ng Pilipinas at sa iba pang bansa na nasa rehiyong tropiko. Ito ay namumulaklak ng dilaw at namumunga ng mapula at bilugang bunga.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bunga (Betel Nut)?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bunga ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang buto ng bunga ay may taglay na ilang uri ng alkaloid gaya ng arecaine, arecoline, arecaidine, arecolidine, guvacoline, guvacine, isoguvacine. Mayroon din itong tannin, red fat, resin, choline, at catechu
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Ang bunga at buto ng bunga ang pangunahing bahagi ng halaman na ginagamit bilang gamot. Maaari itong nguyain, pakuluan at inumin na parang tsaa, patuyuin at pulbusin, o kaya ay kuhanan ng langis.
- Dahon. Ang dahon ay maaari ding gamitin sa paggagamot. Kadalasang itong dindikdik at hinahalo sa langis bago ipantapal as apektadong bahagi ng katawan.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Bunga (Betel Nut)?
Image Source: mardmalali.blogspot.com
1. Bulate sa tiyan. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng bunga ng bunga ay epektibo sa pag-aalis ng bulate sa tiyan.
2. Mabahong hininga. Ginagamit ang pagnguya sa pinatuyong buto ng bunga upang maalis ang mabahong amoy sa hininga
3. Pilay at naipit na ugat. Maaaring ipantapal sa napilay at naipit na ugat ang dinikdik na dahon ng bunga na hinalo sa langis ng niyog.
4. Paninilaw ng ngipin. Ginagamit sa paninilaw ng ngipin ang pagnguya ng pinatuyong buto ng bunga.
5. Pagsusugat. Ang pinulbos na pinatuyong buto ng bunga ay hinahalo sa langis ng niyog at pinangtatapal sa mga sugat.
6. Pananakit ng ulo. Maaaring painumin ng katas ng bunga ang taong dumadanas ng pananakit ng ulo o migraine.
7. Rayuma. Ang katas ng buto ng bunga ay ginagamit din na pampahid sa bahagi ng katawan na apektado ng pananakit dahil sa rayuma.
8. Pagdudugo sa gilagid. Maaaring ipangmumog ang katas ng bunga na hinalo sa tubig upang maibsan ang pagdurugo ng mga gilagid.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.