Kaalaman tungkol sa Buntot Kabayo (Horsetail) bilang halamang gamot
Scientific name: Equisetum arvense L.; Equisetum boreale Bong.
Common name: Buntot Kabayo (Tagalog); Horsetail (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang buntot-kabayo ay isang lumang halaman na matagal nang ginagamit ng mga sinaunang sibilisasyon sa Roma at Gresya bilang halamang gamot. Ito ay walang bulaklak at ang itsura ay kahalintulad ng buntot ng kabayo. Ang mapapayat na mga sanga ay tumutubo ng patayo at mayroon itong maliliit at mala-kaliskis na dahan sa bawat hati o segment ng sanga. Karaniwang pananim bilang halamang ornamental sa mga hardin at mga parke sa iba’t ibang lugar sa mundo.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Buntot Kabayo (Horsetail)?
Ang iba’t ibang bahagi ng buntot-kabayo ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ay makukuhanan ng flavonoids, alkaloids, terpenoids, saponins, phytosterols, at amino acids.
- Makukuhanan din ito ng mga mineral na calcium, potassium, silicon at magnesium
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Ang tangkay ng halaman ang karaniwang ginagamit sa panggagamot. Maaari itong ilaga upang makain at mainom naman ang pinaglagaan.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Buntot Kabayo (Horsetail)?
Image Source: ornment.blogspot.com
- Sakit sa bato. Ang panghihina ng mga bato o kidney ay maaaring matulungan ang pag-inom sa pinaglagaan ng sariwang sanga ng buntot-kabayo.
- Rayuma. Mabisa rin ang pag-inom sa pinaglagaan ng buntot-kabayo para maibsan ang pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma.
- Eczema. Maaari ding ipanghugas sa balat na dumaranas ng eczema ang pinaglagaan ng mga sanga ng buntot kabayo.
- Osteoporosis. Makatutulong ang mga mineral ng makukuha sa halaman para sa pagpapatibay ng mga buto.
- Problema sa atay. Dapat ding inumin ang pinaglagaan ng sanga para matulungan ang ilang kondisyon sa atay.
- Hirap sa pag-ihi. Matutulungang mapadali ang pag-ihi kung iinumin ang pinaglagaan ng buntot kabayo.
- Pagtatae. Mabisa para sa kondisyon ng pagtatae ang pagkain sa nilagang sanga ng buntot kabayon.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.