Kaalaman tungkol sa Chico bilang halamang gamot
Scientific name: Achras zapota Linn.; Sapota zapotilla Coville; Manilkara achras (Mill.) Fosberg
Common name: Chico (Tagalog), Sapodilla (Ingles)
Ang chico ay isang kilalang prutas na karaniwang nakikita sa mga pamilihan sa maraming lugar sa Pilipinas. Paboritong kinakain ang bilugang bunga na may malambot at kulay brown na laman at may itim na buto. Kilala rin na ginagamit ang katas ng bunga nito sa paggawa ng alak. Ang puno nito ay tumutubo saan mang lugar sa kapuluan ng Pilipinas at sa ilan pang mga lugar na nasa rehiyong tropiko.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Chico?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang chico ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ng chico ay may taglay na alkaloid, sapotin, fixed oil at iba pa.
- Ang bunga naman ay mayroon ding sapotin. Taglay din nito ang saccharose, dextrose, at levulose.
- Ang maitim na buto ay mayroon namang sapotin, saponin, achrassaponin, fixed-oil, at sapotinine
- Ang balat ng kahoy ay makukuhanan ng sapotin, saponin, at tannin
- Ang katas ng bunga nito ay mayaman naman sa mga asukal, protina, vitamin C, phenolics, carotenoids at mga mineral gaya ng iron, copper, zinc, calcium at potassium
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Balat ng kahoy (bark). Ang balat ng kahoy ay kadalasang inilalaga at ang pinaglagaan naman ay ginagamit bilang gamot.
- Bunga. Ang bunga ay maaring kainin lamang o ibababad sa mantikilya bago lunukin.
- Buto. Ang buto ay kinukuhanan ng langis at ginagamit din na panggamot. Maaari din itong durugin at ihalo sa tubig at pinapainom sa pasyente.
- Dahon. Ang dahon ay kadalasang pinapakuluan at iniinom na parang tsaa.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Chico?
1. Pagtatae. Ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng buno ng chico ay pinaniniwalaang nakagagamot sa kondisyon ng pagtatae. Ang pagkain din sa bunga nito ay makatutulong din daw sa pagtatae o disinterya.
2. Lagnat. Epektibong nakakapagpababa ng lagnat ang ang inom sa pinaglagaan ng dahon ng chico. Gayun din ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng puno nito.
3. Paglalagas ng buhok. Nakatutulong naman ang langis mula sa buto ng chico sa pagpigil ng patuloy na pagkalagas ng buhok sa ulo.
4. Problema sa pag-ihi. Ang dinurog na buto ng chico na inihalo sa tubig ay makapagpapabuti sa problema sa pag-ihi kung iinumin.
5. Mga sugat. Ang paghuhugas ng sugat gamit ang pinaglagaan ng dahon ng chico ay epektobo daw sa mabilis na paggaling nito.
6. Iritasyon sa mata. Ang pinagkatasan ng buto ng chico ay mainam daw na panghugas sa iritasyon sa mata.
7. Kanser at tumor. Ayon naman sa ilang mga pag-aaral, ang katas balat ng kahoy, at katas ng bunga ng chico ay may epektong nakapagpapabagal sa progreso ng cancer cells at tumor sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.