Kaalaman tungkol sa Dalanghita bilang halamang gamot
Scientific name: Citrus deliciosa Ten.; Citrus nobilis Lour.; Citrus papillaris Blanco; Citrus reticulata Blanco
Common name: Dalanghita, Sintores (Tagalog) Tangerine orange, Mandarine onrange (Ingles)
Ang dalanghita ay isang uri ng citrus fruit na kilala ng mga Pilipino. Ang bunga nito na bilugan at may kulay berde na balat ay karaniwang nakikita sa mga pamilihan kapag napapanahon. Karaniwang kinakatasan at iniinom na pampalamig ang maasim-asim at manamis-namis na bunga. Ang puno ay may katamtamang taas lamang at ang mga dahon ay may karaniwang itsura. Madaling tumubo sa mga mabababang lugar sa rehiyong tropiko gaya ng Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Dalanghita?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang dalanghita ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang balat ng bunga ay may taglay na volatile oil, limonene, methylanthranillic acid, at methyl ester
- Ang katas ng bunga ay makukuhanan ng citric acid,vitamins A, B, at C at hesperidin
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Ang bunga ay karaniwang kinakatasan upang mainom o kaya’y kainin lamang
- Ugat. Maaari namang ilaga ang ugat at ipainom sa may sakit.
- Dahon. Karaniwan namang pinapatuyo sa araw ang dahon upang pulbosin at ihalo sa inumin. Maaari ding ilaga ang sariwang dahon upang magamit sa ilang kondisyon
- Balat ng bunga. Maaari namang ilaga ang balat ng bunga at ipainom sa ilan pang kondisyon
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Dalanghita?
- Ubo. Mabisang panglunas sa ubo ang mga citus fruit gaya ng dalanghita. Ang bunga ay maaaring katasan upang mainom o kaya ay kainin lamang. Mabisa din para sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng halaman. Minsan pa, pinapainom din sa may ubo ang pinaglagaan ng balat ng bunga.
- Pananakit ng sikmura. Ang pinulbos na dahon ng dalanghita ay maaaring ihalo sa inumin upang maibsan ang pananakit ng tiyan.
- Sugat. Mahusay na panlinis sa bagong sugat ang sariwang katas ng dalanghita.
- Pamamanas. Ang pamamaga o pamamanas na nararanasa sa ilang bahagi ng katawan ay maaaring pahiran ng tubig na pinaglagaan ng dahon ng dalanghita.
- Pagkahilo. Maaaring pirisin ang balat ng bunga ng dalanghita sa butas ng ilong para maibsan ang pagkahilong nararanasan.
- Pagsusuka. Dapat namang inumin ang pinaglagaan ng balat ng bunga na hinaluan ng hiniwang luya para matulungan ang kondisyon ng pagsusuka.
- Pagdudumi. Matutulungan din daw ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ang kondisyon ng pagdudumi at dysenteria.
- Rayuma. Maaaring matulungan ang kondisyon ng rayuma sa tulong ng pagbababad ng paa sa pinaglagaan ng dahon at balat ng bunga ng dalanghita. Maaari ding pahiran ng langis na nakuha mula sa balat ng bunga ang bahaging nananakit.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.