Kaalaman tungkol sa Dayap bilang halamang gamot
Scientific name: Citrus aurantifolia (Christm.) Swingle; C. acida Roxb.; C. lima Lunan; C. notissima Blanco
Common name: Dayap (Tagalog); Lime (Ingles)
Ang dayap o lime ay isang puno na may katamtamang taas lamang, may mga tinik sa sanga, at mapayat lamang na katawan. Mayroon itong maputi at mahalimuyak na bulaklak, habang ang bunga naman ay bilugan, kulay bede at kilalang pampaasim sa mga pagkain. Ang halaman ay karaniwan sa mga pulo ng Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Dayap?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang dayap ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang katas ng bunga ng dayap ay mayroong citric acid, malic acid, at tartaric acid. May taglay din itong asukal, pectin at kaunting asin. Mayaman din ito sa Vitamin C
- Ang ibang bahagi ng halaman ay makukuhanan ng alkaloids, flavonoids, tannins saponins, steroids, cardiac glycosides, and reducing sugars
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Ang bunga ay kadalasang kinakatasan at pinaiinom sa taong may karamdaman. Maari itong gawing inumin na pampawi sa uhaw.
- Ugat. Ang ugat naman ng dayap ay karaniwang nilalaga at pinapainom din sa pasyente upang makagamot.
- Dahon. Ginagamit din ang dahon ng dayap sa panggagamot sa pamamagitan ng pagdikdik dito upang magamit na pantapal, o kaya naman ay inilalaga upang mainom.
- Balat ng bunga. Ang katas mula sa balat ng bunga ng dayap ay mabisa din sa panggagamot. Maaari din itong makuhanan ng langis na mabisa para sa ilang mga kondisyon.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Dayap?
1. Pagkahilo. Maaaring tirisin ang balat ng dayap at itapat sa ilong ng taong dumadanas ng pagkahilo.
2. Pagtatae. Mabisa naman para sa kondisyon ng pagtatae ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng dayap.
3. Pananakit ng ulo. Maaari namang itapal sa noo ng taong dumadanas ng pananakit ng ulo ang dinikdik na dahon ng dayap.
4. Sore throat. Maaari din ipangmumog ang pinaglagaan ng dahon ng dayap upang maibsan ang pananakit ng lalamunan.
5. Pananakit ng sikmura. Para sa kondisyon ng pananakit sa sikmura, dapat lamang inumin ang pinaglagaan ng dinikdik na dahon ng dayap.
6. Kagat ng lamok. Ang pangangati at iritasyon sa balat na dulot ng kagat ng lamok ay maaaring pahiran ng katas ng bunga ng dayap.
7. Sugat. Mabisang panlinis sa sugat ang sariwang katas ng bunga ng dayap. Maaari din tapalan ng dinikdik na dahon ng dayap ang sugat na matagal maghilom.
8. Ubo. Maaring inumin na ang sariwang katas ng bunga upang maibsan ang pakiramdam ng ubo.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.