Duhat

Kaalaman tungkol sa Duhat bilang halamang gamot

Scientific name: Myrtus cumini Linn.; Syzygium cumini Skeels; Eugenia djouat Perr.

Common name: Duhat (Tagalog); Java Plum, Black Plum, Jambolan (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Kilala ang duhat dahil sa bunga nito na maitim ang balat at kulay lila na laman. Ito ay may mataas na puno at tumutubo sa maraming lugar sa buong kapuluan ng Pilipinas. May dahon ito na pahabang bilugan at bulaklak na maputi at kumpol-kumpol.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Duhat?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang duhat ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buto ng duhat ay may taglay na glycosides, madilaw na essential oil, fat, resin, albumin, chlorophyll2, alkaloid na jambosine3, gallic acid, ellagic acid, corilagin at tannin,3,6-hexahydroxydiphenoylglucose at isomer nito na 4,6- hexahydroxydiphenoylglucose, 1-galloylglucose, 3-galloylglucose, quercetin. Mayroon pa itong zinc, chromium, vanadium, potassium at sodium. Makukuhanan pa ito ng protina at amino acids, flavonoids, phenols, glycosides, saponins, tannins, steroids, at triterpenoids.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang katas ng dahon ay ginagamit na pampahid sa ilang mga kondisyon sa balat. Dinidikdik din ito at ipinangtatapal sa akpektadong bahagi ng katawan.
  • Bunga. Ginagamit din ang katas ng bunga bilang gamot sa ilang mga kondisyon sa katawan.
  • Buto. Maaaring patuyuin at durugin ang mga buto upang magamit bilang gamot.
  • Balat ng kahoy. Maaaring ilaga ang balat ng kahoy at ipainom sa may sakit.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Duhat?

Image Source: food52.com

  1. Pagtatae o disinterya. Nakagagamot ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng puno ng duhat, gayun din ang pagkain ng mismong bunga nito sa kondisyon ng pagtatae. Ihinahalo din ang pinaglagaan ng balat ng kahoy sa sa gatas upang ipanggamot sa pagtatae sa bata. Mahusay din ang katas ng dahon para mapigilan ang kondisyong ito.
  2. Pagsusugat ng gilagid o gingivitis. Ipinangmumumog ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng puno ng duhay upang maibsan ang pagsusugat ng gilagid.
  3. Sugat. Maaaring ipanghugas sa sugat ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng duhat upang mas mabilis na gumaling.
  4. Diabetes. Makatutulong din ang pagkain sa hinog na bunga ng duhat upang makontrol ang sakit na diabetes. Maaari ding inumin ang pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy para sa kondisyong ito, pati na rin ang pinulbos na buto ng duhat.
  5. Sore throat. Maaaring ipangmumug ang katas ng bunga ng duhat upang bumuti ang pakiramdam ng lalamunan.
  6. Impatso o hindi natunawan. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ay makatutulong para gamutin ang kondisyon ng impatso.
  7. Ulcer sa sikmura. Makatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng duhat sa mas mabilis na paggaling ng ulcer sa sikmura.
  8. Pamamaga at implamasyon. Maaaring ipanggamot ang katas ng dahon o dinurog na buto ng duhat sa kondisyon ng implamasyon o pamamaga sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.