Gabi

Kaalaman tungkol sa Gabi bilang halamang gamot

Scientific name: Colocasia esculenta Linn.; Arum esculentum Linn.; Arum colocasia Linn.

Common name: Gabi (Tagalog); Taro (Ingles)

Ang gabi ay kilala bilang bungang ugat na madalas sinasahog sa maraming putahe. Ginagamit din ang dahon nito para sa pagluluto ng pagkaing Bicolano na laing. Ang halaman nito ay may katamtamang taas, may malalapad at hugis puso na dahon, at may maputing bulaklak. Madali itong tumubo saan mang lugar sa bansa lalo na sa mga mapuputik na lupa.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Gabi?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang gabi ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • May taglay na flavonoids, sitosterol, at steroids ang buong halaman ng gabi. Mayroon din itong mga mineral na calcium, phosphorus, at iron.
  • Ang murang dahon ng gabi ay makukuhanan ng Vitamin C at B.
  • Ang ugat naman ay may mataas na lebel ng starch at amino acids.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Maaaring kuhanan ng katas ang dahon ng gabi upang magamit bilang gamot.
  • Bungang ugat. Ang bungang ugat ng gabi ay maaari ding katasan at inumin, o kaya’y kainin mismo.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Gabi?

1. Hika. Ang pagkain sa bungang ugat na gabi ay makatutulong sa paggagamot sa sakit na hika.

2. Rayuma. Maaaring ipampahid sa mga sumasakit na bahagi ng katawan ang pinainitan na bungang ugat.

3. Pananakit sa loob ng tenga. Ang katas na nagmumula sa dahon at mga sanga ay maaaring ipatak sa loob ng tenga upang maibsan ang pananakit nito.

4. Tusok ng insekto (Sting). Ang katas ng gabi ay makatutulong para mawala ang pananakit at pangangati na dulot ng tusok ng insekto. dapat lamang ipahid ang katas sa apektadong bahagi ng katawan.

5. Hirap sa pagdumi. Ang pagkain ng bungang ugat at dahon ng gabi ay makatutulong para mas mapadali ang pagdudumi.

6. Kagat ng ahas. Pinapahiran ng katas mula sa dahon ng gabi ang kagat ng ahas upang mabawasan ang pananakit at pamamaga nito.

7. Pagtatae. Mahusay ding mapipigilan ang pagtatae sa pamamagitan ng pagkain ng gabi.

8. Lagnat. Ang katas ng dahon gabi ay makatutulong na pababain ang lagnat.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.