Kaalaman tungkol sa Granada bilang halamang gamot
Scientific name: Punica granatum Linn.; Punica spinosa Lam.
Common name: Granada (Tagalog); Pomegranate (Ingles)
Ang halamang granada ay kilala dahil sa bunga nito na karaniwang kinakain sa maraming lugar sa mundo. Ang bilugang bunga ay may mapula at makatas na laman na mayroon ding maraming buto. Ang halaman ay tumutubo nang may katamtamang taas at tinutubuan ng mapupulang bulaklak. Ito ay nagmula sa mga bansang nasa gitnang silangang asya ngunti madalas na ring inaani sa maraming lugar sa rehiyong tropiko.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Granada?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang granada ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bunga ng granada ay may mataas na lebel ng Vitamin C at iron. Mayroon din itong ellagic acid, ellagitannins, at punicalagins, punicic acid, flavonoids, anthocyanidins, anthocyanins, estrogenic flavonols at flavones.
- Ang katas ng bunga nito ay may taglay na anthocyanins, glucose, ascorbic acid, ellagic acid, gallic acid, caffeic acid, catechin, quercetin, rutin, minerals, at amino acids.
- Ang buto naman ay makukuhanan ng punicic acid, pluellagic acid, fatty acids at sterols.
- Mayroong gallic acid, ursolic acid, triterpenoids, including maslinic at asiatic acid sa bulaklak nito.
- Ang dahon ay mayroong tannins (punicalin at punicafolin) at flavone glycosides, kabilang na ang luteolin at apigenin.
- May taglay naman na alkaloids na pelletierine, isopelletierine, methyl-pelletierine, at pseudo-pelletierine ang balat na kahoy
- Ang ugat ay maaaring kuhanan ng ellagitannins (punicalin at punicalagin) at piperidine alkaloids
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Ang ugat ay maaaring pakuluan at ipainom sa may sakit.
- Bulaklak. Maaari ding pakuluan ang bulaklak nito at inumin na parang tsaa, o kaya’y patuyuin at pulbusin.
- Bunga. Ang bunga ay kadalsang kinakatasan upang mainom.
- Dahon. Maaaring pakuluan ang dahon upang ipanghugas sa ilang kondisyon sa katawan.
- Balat ng kahoy. Inilalaga balat ng kahoy ng halaman ng granada upang mainom din ang pinaglagaan nito.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Granada?
1. Impeksyon ng bulate sa tiyan. Ang impeksyon ng bulate sa sikmura partikular ang tapeworm ay maaaring maalis sa pamamagitan ng pag-inom ng pinaglagaan ng balat ng kahoy ng granada o kaya ay ugat nito.
2. Tuberculosis. Sinasabing makatutulong din ang pinaglagaan ng ugat ng halamang granada sa pakiramdam ng taong may sakit na TB.
3. Lagnat. Nakakababa ng lagnat ang katas ng bunga ng granada, gayundin ang pinaglagaan ng ugat ng halamang granada.
4. Bronchitis. Ang pinatuyong bulaklak ng granada ay makakatulong sa pakiramdam ng paninikip ng dibdib dahil sa bronchitis.
5. Iritasyon sa mata. Maaaring ipanghugas sa mata ang pinaglagaan ng dahon ng granada upang bumuti ang pakiramdam.
6. Pagtatae. Ang pinakuluan balat ng bunga ng granada ay mabisa para pigilin ang pagtatae.
7. Pananakit ng sikmura. Ang pag-inom sa katas ng bunga ng granada o kaya ay ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng bunga ay makakabuti sa pakiramdam ng nananakit na sikmura.
8. Sore throat. Ginagamit bilang pangmumog ang katas ng bulaklak ng granada upang mawala ang pananakit sa lalamunan.
9. Ketong. Pinaniniwalaang nakapagpapabuti sa kalusugan ng taong may sakit na ketong ang regular na pag-inom ng katas ng bunga ng granada.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.