Kaalaman tungkol sa Gugo bilang halamang gamot
Scientific name: Entada phaseoloides (Linn.) Merr.; Entada formosana Kaneh.; Entada rumphii Scheff.
Common name: Gugo (Tagalog); St. Thomas Bean, Cali bean (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang gugo ay isang mataas na puno na may katawan na sintaba lamang ng braso. Kilala ito dahil sa balat ng kahoy (bark) na maaaring gamiting alternatibong shampoo para sa buhok. ANg mga dahon ay bilugan na pahaba, habang ang mga bulaklak naman ay maputi na manilaw-nilaw. Ang bunga ay kahalintulad ng sampalok na buno ng buto sa loob. Karaniwang makikita ang puno sa mga kagubatan ng hilagang Luzon, Palawan, at sa Minadano.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Gugo?
Ang iba’t ibang bahagi ng gugo ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang buong halaman ay may taglay na saponin, langis, alkaloid, sapogenin, at oleanolic acid
- Ang mga buto ay mayaman din sa langis, saponin, at alkaloid.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Image Source: d-i-y-love.blogspot.com
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ng puno ng gugo ang pangunahing ginagamit sa panggagami at iba pa.
- Buto. Ang mga buto ng gugo ay karaniwang pinapatuyo at dinudurog bago ihalo sa inumin.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Gugo?
- Pagkapanot. Ang paggamit ng balat ng kahoy ng gugo bilang shampoo ay nakatutulong para palakasing muli ang pagtubo ng buhok.
- Balakubak. Karaniwan ding ginagamit bilang shampoo ang balat ng kahoy ng gugo para maiwasan ang pagbabalakubak.
- Pangangati ng balat. Karaniwan namang pinaghuhugas sa balat na may iritasyon ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng gugo.
- Rayuma. Ang pananakit naman ng kasukasuan ay maaaring matulungan ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng dinurog na buto ng gugo.
- Pananakit ng sikmura. Dapat namang ipahid sa tiyan ang dinurog na buto ng gugo na hinaluan ng langis para maibsan ang pananakit na nararanasan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.