Kaalaman tungkol sa Gulaman bilang halamang gamot
Scientific name: Gracilaria compressa (C. Agardh) Greville; Gracilaria lichenoides (L.) Harv.
Common name: Gulaman (Tagalog); Agar-agar, Ceylon Moss (Ingles)
Ang gulaman ay isang halamang-dagat na kinakain sa maraming lugar. Ito ay mahalaga sa pangkabuhayan ng marami sapagkat ito ang pangunahing sangkap sa paggawa ng gulaman o gelatin. Ito ay malambot, malaman at malutong kung kakagatin. Maaring kulay berde, mamula-mula o madilaw. Karaniwan itong makukuha sa mababaw na bahagi ng dagat sa ilalim ng mga bato at buhanginan.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Gulaman?
Ang iba’t ibang bahagi ng gulaman ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ay makukuhanan ng gelose, protein, fat, at iba pang uri ng carbohydrate gaya ng galactose fructose at pentose. Makukuhanan din ito ng mga importanteng mineral tulad ng iodine, calcium, sodium, magnesium, potassium, at fluorine.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Ang buong halaman ay maaaring kainin at gamitin sa panggagamot.
- Kadalasan, ang sariwang gulaman at kinakain bilang salad o nilalaga upang makuhanan ng katas.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Gulaman?
- Ubo. Sinasabing mabisang panlunas sa ubo na may makapit na plema ang pagkin sa sariwang gulaman o kaya ang pag-inom sa katas nito.
- Sugat. Maaring ipantapal sa mga sugat ang malapot na katas ng gulaman upang mapabilis ang pag-hilom
- Dysenteria. Matutulungan naman na guminhawa ang kondisyon ng dysenteria kung iinumin ang sariwang katas ng gulaman.
- Pagtitibi o constipation. Mabisa rin para hirap sa pagdumi ang pagkain sa sariwang gulaman gayundin ang pag-inom sa katas nito.
- Goiter. Ang mineral na iodine sa sa halamang-dagat na ito ay makatutulong para sa sakit na goiter.
- Hirap sa paghinga. Makatutulong pa rin ang pag-inom sa katas ng gulaman para maibsan ang hirap sa paghinga.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.