Gulasiman

Kaalaman tungkol sa Gulasiman bilang halamang gamot

Scientific name: Portulaca oleracea (Linn.)

Common name: Gulasiman, Ulasiman (Tagalog); Common purslane, Little hogweed (Ingles)

Ang gulasiman ay isang karaniwang halaman na tumutubo sa kahit na anong lugar sa bansa. Ito’y itinuturing na damong ligaw. Ang halaman ay maliit lamang at namumulaklak ng kulay dilaw. Sa ibang lugar, ito ay ginagamit bilang pampalasa at pansahog sa salad.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Gulasiman?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang gulasiman ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Mayroong tannins, steroids, flavonoids, saponins, at alkaloids ang halamang gulasiman. May mataas din itong lebel ng l-norepinephrine.
  • May taglay iong sustansya gaya ng vitamins A, B, B2, C, niacinamide, nicotinic acid, a-tocopherol, at B-carotene. May mga mineral din ito gaya ng calcium at iron. Mayroon pang fatty acids lalo na ang omega-3. Bukod pa dito, makukuhanan pa ito ng glutathione, glutamic acid, aspartic acid,  flavonoids, alkaloids, saponins at urea.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ang buong halaman ng gulasiman ay ginagamit na panggamot. Karaniwang dinidikdik ito at ipinagtatapal sa apektadong bahagi ng katawan.
  • Ang ugat ay maaaring patuyuin sa araw at gamitin sa panggagamot.
  • Ang dahon ay karaniwang dinidikdik at kinakatasan upang maipampahid sa apektadong bahagi ng katawan.
  • Maaari ding gamitin ang buto sa panggagamot. Inilalaga ito ay pinapainom sa may sakit.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Gulasiman?

1. Pasa at pamamaga sa balat. Mabisa bilang gamot ang pagpapahid ng dinikdik na dahon at sanga ng gulasiman.

2. Sakit sa balat. Ginagamit sa iba’t ibang sakit sa balat ang pinaglagaan ng dahon ng gulasiman. Ipinaghuhugas lamang ito sa apektadong balat.

3. Dysmenorrhea. Pinapainom din ng katas ng halaman ang mga taong dumadanas ng pananakit sa puson o dysmerrhea,

4. Sugat. Ang pagsusugat sa balat ay maaaring maibsan ng pagtatapal ng dinikdik na dahon ng gulasiman.

5. Pagtatae. Ang buto ay ginagamit na panglunas sa pagtatae, gayun din ang katas mismo ng halaman. Maaari din inumin ang pinaglagaan ng buong halaman ng gulasiman.

6. Hirap sa pag-ihi. Mahusay na gamot para sa mga hirap makaihi ang pag-inom sa katas ng gulasiman. Maaari ding gamitin ang pinaglagaan ng buto para sa kaparehong epekto.

7. Kagat ng ahas. Ipinangtatapal sa sugat na dulot ng kagat ng ahas ang dinikdik na halaman ng gulasiman na hinaluan ng asin.

8. Eczema. Ang dinikdik na halaman ng gulasiman ay mabisa para sa apektadong balat.

9. Tuberculosis. Iniinom ang pinaglagaan ng pinatuyong dahon ng gulasiman para maibsan ang mga sintomas ng TB.

10. Bungang araw. Ipinangpapahid din ang katas ng gulasiman sa balat na apektado ng bungang araw.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.