Haras (Anis)

Kaalaman tungkol sa Haras (Anis) bilang halamang gamot

Scientific name: Anethum foeniculum L.; Foeniculum vulgare Mill.; Foeniculum commune Bubani

Common name: Haras, Anis (Tagalog); Fennel (Ingles)

Ang haras o anis ay kilalang pampalasa ilang mga pagkaing kakanin at panghimagas. Ito ay may angking amoy at lasa na matapang at kakaiba. Ang mga dahon ay maninipis, habang ang bulaklak ay madilaw. Karaniwan itong tumutubo sa maraming bansa na mainit kabilang na ang Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Haras (Anis)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang anis ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ay makukuhanan ng volatile oil na may anethol. Mayroon din itong pectin, at pentosan
  • May taglay din na linoleic acid, palmitic acid, at oleic acid ang langis nito

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Ang ugat ay karaniwang inilalaga upang mainom bilang gamot.
  • Buto. Ang mga buto ng anis ay maaaring ilaga at ihalo sa inumin. Maaari din itong dikdikin at gamitin sa panggagamot.
  • Langis. Mabisa naman ang langis na nakuha mula sa buto ng anis para ilang kondisyon sa katawan. Ito’y pinangpapahid lamang.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Haras (Anis)?

1. Kabag. Mabisang pangontra sa kabag sa tiyan ang pag-inom sa inumin na hinaluan ng mga buto ng anis. Maaari ding pahiran ng langis ng buto ng anis ang tiyan na nananakit dahil sa kabag.

2. Pagkahimatay. Pinaaamoy naman sa taong nahimatay o nakararamdam ng pagkahimatay ang dinikdik na dahon ng anis.

3. Malabong paningin. Ang pag-inom sa katas ng bunga ng anis ay mabisa din sa pagpapabuti ng malabong paningin.

4. Mabahong hininga. Maaaring ipang mumog ang pinaglagaan ng mga buto ng anis.

5. Iregular na pagreregla. Matutulungang mapanumbalik sa regular na pagdating ng regla sa mga kababaihan.

6. Pananakit ng sikmura. Ang pakiramdam ng pananakit sa sikmura ay maaaring matulungan ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng mga buto ng anis.

7. Pananakit ng ngipin. Pinaiinom naman sa taong dumadanas ng pananakit ng ngipin ang pinaglagaan ng ugat ng anis.

8. Bulate sa tiyan. Pinaiinom ng 3-4 ml ng langis ng anis ang taong may impeksyon ng bulate sa sikmura.

9. Lagnat. Ang mataas na lagnat ay maaaring mapababa ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng dinikdik na buto ng anis.

10. Nagpapasusong ina. Tumutulong sa pagpaparami ng gatas ng ina ang regular na pag-inom tubig na may buto ng anis.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.