Hyssop

Kaalaman tungkol sa Hyssop bilang halamang gamot

Scientific name: Hyssopus officinalis Linn.; Hyssopus altissimus Mill.; Hyssopus decumbens Jord. & Fourr.

Common name: Hyssop (Ingles)

Ang halamang hyssop ay isang lumang halaman na matagal nang ginagamit bilang gamot. Ito ay maliit lamang na halaman na may mahalimuyak na amoy at karaniwang tinatanim bilang pampabango sa lugar. Ang mga bulaklak ay maliliit lamang at kulay lila. Ito ay karaniwang halaman sa mga bansa sa Europa at hilagang bahagi ng Asya.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Hyssop?

Ang iba’t ibang bahagi ng hyssop ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng halaman ang mga flavonoid na pigenin, quercetin, diosmin, at luteolin. Taglay din nito ang chlorogenic, protocatechuic, ferulic, syringic, p-hydroxybenzoic acid at caffeic acids.
  • Ang bulaklak, dahon at mga sanga ay may taglay na mabangong langis.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:

  • Bulaklak. Ang bulaklak ay maaaring ilaga at inumin na parang tsaa.
  • Dahon. Karaniwan ding nilalaga ang dahon upang mainom, o kaya naman ay dikdikin upang ipantapal.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Hyssop?

  1. Jaundice o paninilaw ng balat dahil sa sakit sa atay. Dapat inumin ang tsaa na mula sa bulaklak ng halamang hyssop upang matulungan ang kondisyon ng jaundice.
  2. Sugat. Matutulingang mapabilis ang paghilom ng sugat kung papahiran ito ng dinikdik na dahon ng hyssop.
  3. Ubo. Matutulungang mapaluwag ang daluyan ng hingahan kung iinumin ang pinaglagaan ng dahon at bulaklak ng halaman.
  4. Sipon. Maaaring ipangmumog ang pinaglagaan ng bulaklak upang guminhawa ang sipon.
  5. Rayuma. Mabisa rin para sa rayuma ang paghuhugas gamit ang pinaglagaan ng dahon sa mga apektadong kasukasuan.
  6. Sore throat. Makatutulong din para maibsan sore throat  kung ipangmumumog ang pinaglagaan ng bulaklak ng hyssop.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.