Kaalaman tungkol sa Kaimito bilang halamang gamot
Scientific name: Chrysophyllum cainito Linn.; Calophyllum inophyllumLinn.
Common name: Kaimito, Kaymito (Tagalog); Star apple (Ingles)
Ang kaimito ay isang mataas na puno na may palapad at malambot na mga sanga. Kilala ito dahil sa bilugang bunga nito na maaaring kainin, matamis at kadalasang kulay lila kapag hinog na. Ang mga dahon ay makapal, madagta, at may ibang kulay sa ibabaw at ilalim na bahagi. Ang mga bulaklak ay maliliit lamang na kulay lila o puti. Madaling makita ang puno na nakatanim sa mga bakuran o tabi ng kalsada sa maraming lugar sa Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kaimito?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kaimito ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bunga ay may taglay catechin, epicatechin, gallocatechin, epigallocatechin, quercetin, quercitrin, isoquercitrin, myricitrin), at gallic acid.
- Ang balat ng kahoy ay mayaman sa tannin
- Ang buto ay may taglay namang saponin, pouterin, lucumin, at dextrose
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Balat ng kahoy. Kadalasang nilalaga ang balat ng kahoy ng puno ng ng kaimito upang mainom at makagamot.
- Dagta. Ang dagta na madaling makuha mula sa sanga at dahon ay maaari ding inumin upang makagamot.
- Buto. Ang buto ay mabisa din sa paggagamot ng ilang kondisyon sa katawan.
- Bunga. Karaniwang namang kinakain lamang ang bunga ng kaimito.
- Dahon. Ang dahon ay mabisa ring pantapal sa ilang kondisyon sa katawan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Kaimito?
- Pagtatae. Ang kondisyon ng pagtatae ay maaaring magamot sa tulong ng pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kaimito. Ang buto ay maaari ding dikdikin at ihalo sa inumin upang magamot ang pagdudumi.
- Bulate sa sikmura. Maaaring magamit na pampurga sa mga bulate sa tiyan ang dagta na makukuha sa mga sanga at dahon ng kaimito.
- Lagnat. Maaaring inumin ang tubig na hinaluan ng dinikdik na buto ng kaimito upang mapababa ang lagnat. Nakakapagpababa din ng lagnat ang pagkain sa laman ng bunga.
- Diabetes. Sa ibang mga lugar, pinaniniwalaang makatutulong ang pagkain sa bunga ng kaimito sa pagkontrol ng sakit na diabetes. May kaparehong epekto din ang pag-inom naman sa tubig na hinaluan ng dinurog na buto ng kaimito.
- Pulmonya. Ang pagkain sa bunga ng kaimito ay mabisa rin para sa pag-uubo dahil sa pulmonya.
- Altapresyon. Makatutulong naman ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kaimito para sa kondisyon ng altapresyon.
- Sugat. Maaaring ipantapal sa sugat ang tinadtad na dahon ng kaimito upang mapabilis ang paghilom nito.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.