Kakaw (Cacao)

Kaalaman tungkol sa Kakaw (Cacao) bilang halamang gamot

Scientific name: Theobroma cacao L.; Cacao sativa Aubl.

Common name: Kakaw (Tagalog); Cacao Tree (Ingless)

Ang kakaw ay kilala sa buong mundo bilang sangkap ng tsokolate na paborito ng marami. Ang tsokolate ay nagmumula sa buto ng bunga ng kakaw na napipitas mula sa puno na may katamtamang taas lamang. Ito ay orihinal na nagmula sa Timog Amerika ngunit tumutubo na rin sa maraming lugar sa rehiyong tropiko gaya ng Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kakaw (Cacao)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kakaw ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buto ng kakaw ay may taglay na fixed oil; theobromine; glucose, saccharose; vitamin A; cellulose; water, ash; starch at cacarine. Meron din itong theobromine at caffeine
  • Ang laman ng bunga ay makukuhanan ng arabinose and galactose. May mataas din itong lebel ng mga enyme na protease, invertase, raffinase, cesease at oxydase. May laman din itong mineral na magnesium

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Buto. Ginagamit ang buto sa paggawa ng tsokolate, langis at iba pang produkto na maaaring gamitin sa paggagamot. Maaari ring patuyun ang buto at dikdikin upang magamit na pantapal sa ilang kondisyon sa balat.
  • Ugat. Ang ugat ay kadalasang pinapakuluan upang mainom ng may sakit.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kakaw (Cacao)?

1. Panunuyo ng balat. Epektibo ang langis na nakukuha sa buto ng kakaw bilang pampahid sa nanunuyong balat ng katawan. Maaari ding dikdikin ang buto at ipampahid sa balat na nanunuyo at nagbibitak-bitak

2. Eczema. Ang namamagang balat dulot ng ilang karamdaman ay maaring malunasan ng pagtatapal ng dinurog na buto ng kakaw na tinusta at hinalo sa maligamgam na tubig.

3. Panganganak. Ginagamit sa mas madaling panganganak ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng kakaw. Makatutulong ito na i-stimulate ang mga kalamnan ng uterus sa panganganak.

4. Buwanang dalaw. Nakatutulong din sa mas mabilis na pagbuhos ng dugo sa panahon ng buwanang dalaw sa mga kababaihan. Iniinom lamang ang pinaglagaan ng ugat ng kakaw.

5. Mahinang resistensya. May ilang pag-aaral na nagsasabing nakapagpapalakas ng mahinang resistensya ang flavonoids nanakukuha mula sa buto ng kakaw.

6. Colon Cancer. May mabuting epekto daw sa taong dumaranas ng kanser sa bituka ang pagkain ng dark chocolate.

7. Sakit sa atay. Ilang pag-aaral din sa mga kemikal ng tsokolate ang nagresulta sa pagbuti ng kondisyon ng atay na nanghihina dahil sa sobrang gamot na iniinom.

8. Altapresyon. Ang mga flavonoids na nakukuha mula sa dark chocolate ay mahusay na pampababa ng presyon ng dugo.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.