Kaalaman tungkol sa Kalabasa bilang halamang gamot
Scientific name: Cucurbita maxima Duchesne; Curcubita sulcata Blanco
Common name: Kalabasa (Tagalog); Pumpkin, Squash (Ingles)
Ang halaman ng kalabasa ay gumagapang (vine) at nagbubunga ng bilugan at may madilaw na laman. Ito ay pinakakilala dahil sa bunga nito na karaniwang gulay sa bansa. Namumulaklak ito ng dilaw at madaling tumubo sa maraming maiinit na lugar kabilang na ang Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kalabasa?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kalabasa ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ng kalabasa ay may taglay na carbohydrates, steroids, proteins at amino acids.
- Ang bunga ay mayroong fat, pentosan, at protein. Mayroon pa itong Vitamin A, B,
- Ang buto ay mayroong fixed oil at edestin. Mayroon din itong curcurbitin; carbohydrates, saponins, at flavonoids. Makukuhanan din ng zinc ang buto nito.
- Ang mga tangkay at bulaklak ng kalabasa ay mayroon namang mga mineral na calcium, phosphorus at iron.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Ang bunga ay karaniwang gulay sa Pilipinas kung kaya’t maaari itong isahog sa ilang mga putahe upang makuhanan ng benepisyo. Ngunit maaari din naman itong patuyuin, pakuluan, o ipampahid sa balat.
- Buto. Ang langis na makukuha sa buto ang kadalasang ginagamit sa panggagamot.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kalabasa?
1. Pigsa. Ang laman ng bunga ng kalabasa ay ginagamit na pantapal sa mga pigsa sa balat.
2. Bulate sa tiyan. Ang impeksyon ng tapeworm sa bituka ay maaring magamot sa pagkain ng sariwang buto ng kalabasa.
3. Pamamaga at implamasyon. Kinakain din ang sariwang buto upang humupa ang pamamaga as katawan.
4. Kagat ng alupihan. Ipinangtatapal sa kagat ng alupihan ang dinikdik na tangkay ng kalabasa. Dinudurog ito hanggang sa lumabas ang katas at saka ipapahid sa apektadong bahagi ng katawan.
5. Nanunuyong balat. Ipinangtatapal sa tuyong balat ang laman ng bunga ng kalabasa.
6. Pagtatae. Ang katas mula sa bulaklak ng kalabasa ay maaaring gamitin para maibsan ang nararanasang pagtatae.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.