Kamansi

Kaalaman tungkol sa Kamansi bilang halamang gamot

Scientific name: Artocarpus camansi Blanco

Common name: Kamansi (Tagalog); Breadnut (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang kamansi ay kilala sa Pilipinas dahil sa bunga nito na karaniwang ginugulay. Ito ay may mataas na puno at tumutubo sa ilang mga lugar sa Timog Silangang Asya gaya ng Indonesia, New Guinea at sa Pilipinas. Katangian ng bunga nito ang bilugan at tusok-tusok na balat. At may buto ito na maari ding kainin.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kamansi?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kamansi ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang kamansi ay may taglay na phenolic compounds tulad ng flavonoids, stilbenoids, arylbenzofurons at Jacalin.
  • Ang buto ay makukuhanan ng protina, mga minerals, at niacin

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Maaring dikdikin ang dahon upang maipantapal sa mga kondisyon sa balat. Maaari din itong ilaga upang ipainom sa may sakit o kaya ay ipanghugas sa mga kondisyon sa katawan.
  • Balat ng kahoy. Madalas pakuluan ang balat ng kahoy upang magamit sa panggagamot.
  • Dagta. Mabisa din ang dagta para sa ilan kondisyon sa katawan.
  • Bunga. Ang bunga ay karaniwang kinakain mismo

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kamansi?

Image Source: www.flickr.com

1. Hirap sa pagdumi. Mabisa ang pagkain sa hinog na bunga ng kamansi upang padaliin ang hirap sa pagdumi.

2. Rayuma. Ginagamit ang pinaglagaan ng dahon ng kamansi sa paghuhugas ng bahagi ng katawan na dumadamanas ng pananakit dahil sa rayuma.

3. Pagtatae. Pinaiinom ng pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kamansi ang taong dumadanas ng pagtatae. Ginagamit din ang dagta na hinalo sa inumin upang mapahupa ang pagtatae.

4. Sugat. Mas mabilis na gagaling ang sugat sa tulong ng paghuhugas dito ng pinaglagaan ng balat ng kahoy.

5. Pilay. Ipinangmamasahe ang dagta ng kamansi para maibsan ang pakiramdam ng pilay sa anumang bahagi ng katawan.

6. Impeksyon sa tenga. Ipinapatak ang sabaw ng dahon at mga tangkay sa loob ng tenga upang magamot ang impeksyon dito.

7. Diabetes. Ang pinatuyong dahon ay ginagawang tsaa at iniinom upang makatulong sa diabetes.

8. Altapresyon. Nakakapagpababa ng presyon ng dugo ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kamansi.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.