Kamias

Kaalaman tungkol sa Kamias bilang halamang gamot

Scientific name: Averrhoa bilimbi L.

Common name: Kamias (Tagalog); Balimbi (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang kamias ay isa ring kilalang puno sa Pilipinas na karaniwang tumutubo saan man sa buong kapuluan. Ito ay may puno na katamtaman lamang ang taas at may bunga na namumukadkad sa mismong katawan ng puno (trunk). May angking asim ang bunga nito na kilalang-kilala ng karamihan.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kamias ?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kamias ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halaman ng kamias ay mayroong mga kemikal na amino acids, citric acid, cyanidin-3-O-b-D-glucoside, phenolics, potassium ion, sugar, at vitamin A
  • Ang bunga ay may taglay na potassium oxalate, flavonoids, saponins, at triterpenoid.
  • Ang balat ng kahoy ay mayroong alkaloids, saponins, at flavonoids

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay kadalasang dinidikdik at ipinangtatapal sa bahagi ng katawan na dumadanas ng kondisyon. Maari din itong pakuluan at inumin na parang tsaa.
  • Bunga. Madalas din gamitin ang bunga sa paggagamot sa pamamagitan ng pagkain nito, o paglalaga at pag-inom sa pinaglagaan. Madalas din itong kinakatasan upang magamit ang katas sa panggagamot.
  • Bulaklak. Maaari din gamitin ang bulaklak ng kamias sa panggagamot sa pamamagitan ng pagpapakulo dito at pag-inom sa pinaglagaan na tila tsaa.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kamias ?

1. Pangangati ng balat. Pinapahiran ng dinikdik na dahon ng kamias ang bahagi ng balat na dumadanas ng matinding pangangati.

2. Iritasyon sa mata. Maaaring patakan ng katas ng kamias ang mata na may iritasyon.

3. Almoranas. Maaaring maibsan ang pamamaga ng tumbong o almoranas sa pamamagitan ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kamias.

4. Beke. Pinapahiran ng dinikdik na dahon ng kamias ang apektadong bahagi ng katawan partikular sa bandang panga.

5. Pagtatagihawat. Makatutulong din ang dinikdik na dahon ng kamias sa matinding pagtatagihawat sa balat.

6. Rayuma. Ang pananakit sa mga kasukasuan na dulot ng rayuma ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng pagpapahid ng dinikdik na dahon ng kamias sa mga bahaging nanakit.

7. Ubo. Maaring ilaga ang bulaklak ng kamias upang mainom at guminhawa ang pag-uubo.

8. Lagnat. Makatutulong sa pagbaba ng lagnat ang pag-inom sa katas ng bunga ng kamias.

9. Beriberi. Ang sakit na beriberi ay dulot ng kakulangan ng Vitamin B1 (thiamine). Maaari itong maibsan sa pamamagitan ng pagkain ng bunga ng kamias

10. Scurvy. Ang scurvy na dulot naman ng kakulangan sa Vitamin C, ay maaaring matulungan ng pagkain din sa maasim na bunga ng kamias.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.