Kaalaman tungkol sa Kamoteng Kahoy bilang halamang gamot
Scientific name: Jatropha manihot Linn.; Jatropha janipha Lour.; Manihot esculenta Crantz; Manihot manihot (L.) Cokerell
Common name: Kamoteng Kahoy, Balinghoy (Tagalog); Cassava (Ingles)
Ang kamoteng kahoy ay isa rin sa mga kilalang bungang-ugat na karaniwang tinatanim sa bansa. Ang ugat nito na kahalintulad ng kamote ay ginagamit sa maraming lutuin na kadalasan ay kakanin. Ang halaman nito na may katamtamang taas ay madaling makikilala sa dahon na palapad na tila may limang daliri. Ito rin ay namumulaklak at mayroon ding bunga na maliit at bilugan. Ito ay karaniwang nakikita sa mga taniman sa mga bukirin sa uong kapuluan ng Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kamoteng Kahoy?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kamoteng kahoy ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ay maaaring makuhanan ng mandiocin na isang glucoside. Mayroon din itong flavonoids, saponins at vitamin C
- Mayroong lason na hydrocyanic acid na matatagpuan sa balat ng ugat ng kamoteng kahoy.
- May mataas na lebel ng starch at proteids sa bungang ugat nito.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang mga dahon ng kamoteng kahoy ay maaaring dikdikin at ipantapal sa mga apektadong bahagi ng balat. Maaari din itong ilaga at ipainom sa may sakit.
- Batang ugat. Ang mga maliliit na ugat (rhizome) ng kamoteng kahoy ay mabisa para sa ilang mga karamdaman. Ito ay kadalasang inilalaga at ipinapainom sa may sakit.
- Dagta. Maaaring gamitin din ang dagta mula sa dahon ng kamoteng kahoy sa paggagamot ng sa ilang kondisyon sa katawan. Kadalasan, ito ay ipinangpapahid sa apektadong bahagi ng katawan.
- Balat ng kahoy. Ginagamit din ang balat ng kahoy ng kamoteng kahoy sa pamamagitan ng paglalaga nito.
- Bungang-ugat. Maaari ding gamitin ang bungang ugat sa paggagamot. Ito ay maaaring kainin lamang o katasan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kamoteng Kahoy?
1. Rashes sa balat. Ang mga butlig-butlig na dulot ng ilang mga sakit gaya ng bulutong at tigdas ay maaaring matulungan ng pagpapahid sa balat ng dinikdik na dahon ng kamoteng kahoy.
2. Sugat. Ang mga sugat na matagal gumaling ay maaaring matulungan ng pagtatapal ng dinikdik na batang ugat ng kamoteng kahoy.
3. Iritasyon sa mata. Maaaring ipampatak sa mata ang dagta mula sa dahon ng kamoteng kahoy upang guminhawa ang iritasyon sa mata.
4. Rayuma. Ipinangbababad o pinanghuhugas naman sa bahagi ng katawan na dumadanas ng pananakit dahil sa rayuma ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kamoteng kahoy.
5. Lagnat. Mabisang nakakapampababa ng lagnat ang pagtatapal ng dahon ng kamoteng kahoy sa noo ng taong mayroong mataas na lagnat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.