Kangkong

Kaalaman tungkol sa Kangkong bilang halamang gamot

Scientific name: Ipomoea reptans Linn.; Convolvulus reptans Linn.; Convolvulus adansoni Lam.

Common name: Kangkong (Tagalog); Potato vine, Swamp cabbage, Water spinach (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang kangkong ay isang karaniwang gulay na makikita sa hapag ng mga Pilipino. Ang dahon at maging ang mga tangkay nito ay maaaring kainin bilang salad o ipangsahog sa ilang putahe gaya ng sinigang. Ang kangkong ay gumagapang na halaman na karaniwang nakikitang tumutubo sa mga basang lugar at mga nakasalansan (stagnant) na tubigan gaya ng mga maliliit na lawa at putikan. Ang dahon ay hugis palaso, at may bulaklak din na maaaring kulay puti o kulay lila.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kangkong?

Ang iba’t ibang bahagi ng halaman ng kangkong ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buong halaman ng kangkong ay maaaring makuhanan ng protein, taba, at vitamins C3 at B2. Mayroon din itong mineral na iron at calcium.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon at mga tangkay. Ang ginagamit lamang na bahagi ng kangkong ay ang dahon at mga tangkay nito na kadalasang kinakain lamang bilang gulay. Minsan, maaari din itong patuyuin, katasan o dikdikin upang magamit sa panggagamot.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kangkong?

Image Source: fresh4u.com.my

1. Hirap sa pagdumi. Ang pagkain sa dahon at mga tangkay ng kangkong ay mabisang gamot para sa hirap sa pagdumi.

2. Diabetes. Ang kangkong na mayroong mala-lila na bulaklak ay pinaniniwalaang makatutulong sa sakit na diabetes. Kaya naman, pinipili ang dahon na nagmula dito at ipinapakain sa taong may sakit.

3. Hindi makasuka. Ginagamit din ang katas ng dahon ng kangkong bilang pampasuka (emetic) sa mga taong hirap makasuka lalo na sa mga kaso ng pagkakalason.

4. Impeksyon ng bulate sa tiyan. Maaariing ipainom sa taong may mga parasitiko sa sikmura ang pinatuyong katas ng kangkong. Ito ay mabisa para maalis ang nainirahang bulate sa tiyan.

5. Buni. Ginagamit ang dinikdik na dahon bilang pantapal sa mga buni sa balat. Ito raw ay makatutulong sa mas mabilis na paggaling.

6. Lagnat na may kasabay na pagdedeliryo. Pinangtatapal din ang dinikdik na dahon ng kangkong sa taong dumaranas ng mataas na lagnat at pagdedeliryo.

7. Hirap sa pag-ihi. May mabuting epekto din sa taong hirap sa pag-ihi ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kangkong.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.