Kaalaman tungkol sa Kantutay bilang halamang gamot
Scientific name: Lantana camara Linn.; Lantana aculeata Linn.; Lantana viburnoides Blanco
Common name: Kantutay (Tagalog); Lantana, Stink Grass (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang kantutay o lantana ay isang mababang halaman na karaniwang tumutubo sa mga bakanteng lote at mga damuhan. Ngunit minsan, ito rin ay nakikita bilang halamang ornamental sa mga parke, plaza, at mga gilid ng kalsada. Ito ay may mabalahibong dahon at may makulay na bulaklak na may matapang na amoy. Sa ibang lugar, ito ay tinuturing na ligaw na damo.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kantutay?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kantutay ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ay may taglay na volatile oil na lantanol. Mayron din itong bicyclic terpene, at l-d-phellandrene
- Ang balat ng kahoy ay makukuhanan ng lantanine
- Ang ugat ay may mataas na lebel ng oleanolic acid
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Ang ugat ng kantutay ay karaniwang nilalaga at ginagamit sa panggagamot. Minsan, ito ay pinatutuyo muna bago pakuluan.
- Dahon. Madalas din gamitin ang dahon sa paggagamot sa pamamagitan ng paglalaga dito at pagpapainom sa may sakit. Ginagamit din itong pantapal sa ilang kondisyon sa katawan: pinapahiran lamang ng langis at tinatapat sa apoy bago ipantapal. Maaari din namng dikdikin ang dahon at agad na ipantapal sa kondisyon sa balat.
- Balat ng kahoy. Ginagamit naman ang balat ng kahoy ng mga sanga ng kantutay sa pamamagitan ng paglalaga nito na maaaring isama pa sa mga pinakuluang dahon. Ito ay maaaring inumun upang makagamot.
- Bulaklak. Karaniwang pinatutuyo ang bulaklak bago ihalo sa inumin at gamitin bilang gamot.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kantutay?
Image Source: premiergrowersinc.com
- Pananakit ng ngipin. Ang pinaglagaan ng bagong pitas na ugat ng kantutay ay maaaring ipang mumong ng taong dumadanas ng pananakit ng ngipin.
- Mga sugat. Nakatutulong naman ang pinaglagaan ng dahon ng kantutay sa mabilis na paggaling ng mga sugat. Ito ay pinanghuhugas lamang sa apektadong bahagi ng katawan.
- Kagat ng ahas. Pinakukuluan ang dahon ng kantutay upang ipainom sa taong nakagat ng ahas. Ang sapal ng dahon na ginamit sa paglalaga ay pinangtatapal naman sa sugat ng pagkakakagat ng ahas.
- Trangkaso. Maaaring gamitin ang baong pitas na ugat ng kantutay o kaya ay pinatuyong ugat sa paglalaga at saka ipapainom sa taong may trangkaso.
- Lagnat. Mabisa sa pagpapababa ng lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kantutay. Maaari din ang pinaglagaan ng dahon at bulaklak at pag-inom dito na parang tsaa.
- Tuberculosis. Ang pinatuyong bulaklak ng kantutay ay maaring ilaga at ipainom sa taong may TB na parang tsaa.
- Dermatits. Ipinangpapahid naman sa apektadong balat ang dinikdik na dahon at sanga ng kantutay.
- Rayuma. Ang pananakit ng mga kasukasuan ay maaaring mapaginhawa ng pagtatapal ng dahon ng kantutay na pinahiran ng langis at tinapat sa apoy. Makatutulong din ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon.
- Malaria. Nakatutulong din ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon at ugat ng kantutay sa kondisyon ng malaria.
- Tetano. Ang impeksyon ng tetamp ay maaaring maibsan ng pag-inom sa pinaglagaan ng mga dahon at sanga ng halamang kantutay.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.