Kaalaman tungkol sa Karot (Carrot) bilang halamang gamot
Scientific name: Daucus carota L.
Common name: Karot (Tagalog); Carrot (Ingles)
Ang karot ay isa sa mga pinakakilalang gulay na kinakain ng karamihan ng tao sa mundo. Ito ay isang uri ng halaman na may kulay kahel na bungang-ugat. Orihinal itong nagmula sa mga bansang nasa Europa at Hilagang Africa, ngunit karaniwan na ring tinatanim sa mga taniman sa matataas na lugar sa Pilipinas gaya ng Baguio at Benguet. Ang halaman ay tumutubo nang mababa lamang at nagkakaroon din ng bulaklak at bunga.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Karot (Carrot)?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang karot ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang mga dahon ay may taglay na volatile oil at may kasama pang pyrrolidine, daucine, at mannite.
- Ang bungang ugat ay mayroong volatile oil, fixed oil, carotin, lecithin, phosphatide, glutamine, sugar, d-glucose, malic acid, pectin, asparagine, at inosite. Mayaman din ito sa calcium, iron, at phosphorus, at mayroon ding vitamin A, B2, at C.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bungang-ugat. Karaniwang pinakukuluan ang bungang-ugat ng karot na upang mainom ang katas. Maaari din itong kainin nang hilaw o luto bilang isang gulay. Maaari ding ipantapal sa kondisyon sa balat ang sapal ng pinaglagaan ng karot. Nakagagawa din ng gamot na pampahid sa pamamagitan ng paggagayat sa karot at paghahalo nito sa mantika.
- Dahon. Inilalaga ang dahon ng karot upang mainom bilang gamot.
- Buto. Kadalasang dinudurog ang buto at hinahalo sa inumin upang makagamot. Maaari din itong isama sa paglalaga ng dahon upang mainom din.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Karot (Carrot)?
1. Ubo. Para sa kondisyon ng pag-uubo, ang bungang-ugat ay pinakukuluan sa gatas. Ang gatas na pinagkuluan ay iniinom habang ang sapal naman ay ipinagtatapal sa dibdib.
2. Paso. Tinatapalan ng ginayat na karot ang bahagi ng katawan na apektado ng paso. Pinapahiran din ng ointment na yari sa pinaghalong karot at mantika ang ganitong kondisyon.
3. Bulate sa tiyan. Para naman mapaalis ang mga bulate sa tiyan, makatutulong ang pagkain ng hilaw na karot.
4. Sugat na matagal gumaling. Maaaring tapalan ng ginayat na karot ang bahagi ng katawan na apektado naman ng sugat na hindi gumagaling.
5. Hirap sa pag-ihi. Ihinahalo sa inumin ang pinulbos na buto ng karot para para matulungan ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi.
6. Pamamanas. Ang pamamanas sa ilang bahagi ng katawan ay maaari namang maibsan ng pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak ng karot.
7. Problema sa atay. Ang pagkakaroon ng kondisyon sa atay na nagdudulot ng paninilaw ng balat (jaundice) ay maaaring matulungan naman ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng karot.
8. Kanser at tumor. Sinasabing nakatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng mga buto ng karot, at maging ang pagkain mismo ng bungang-ugat, sa pagpipigil ng pagkalat ng tumor sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.