Kaalaman tungkol sa Kasuy bilang halamang gamot
Scientific name: Anacardium occidentale Linn.; Anacardium microcarpum Ducke; Cassuvium pomiferum Lam.
Common name: Kasuy (Tagalog); Cashew (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang kasuy ay kilalang tanim dahil sa buto nito na tila mani at paboritong kainin ng mga Pilipino. Ito ay may puno na may katamtamang taas lamang at namumunga ng mamulamula o madilaw. Ang kilalang katangian ng halamang ito ay ang pag-usbong ng buto sa labas ng bunga. Tumutubo ito sa kahit saang lugar sa Pilipinas at mga bansang nasa rehiyong tropiko.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kasuy?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kasuy ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bunga nito ay makukuhanan ng starch, sitosterin, cardol, anacardic acid, at lignoceric acid
- Ang langis na makukuha dito ay mayroong linolic acid, palmitic acid, stearic acid, lignoceric acid, at sitosterin.
- Ang buto ay may taglay naman na langis, protna, nitrogen, crude fiber, at carbohydrates
- Ang kahoy ay mayroong catechin
- Ang dahon naman ay mayroong carbohydrates, proteins, saponin glycosides, flavonoids, alkaloids, tannins, at phenolic compounds
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Karaniwang ginagamit ang dahon sa pamamagitan ng paglalaga nito at pag-inom na parang tsaa. Ang batang dahon naman ay maaaring gulayin.
- Balat ng kahoy. Maaaring ilaga din ang balat ng kahoy kasama ng dahon para magamit sa panggagamot
- Bunga. Ang bunga ay maari ding kainin lamang.
- Langis. Ang langis na maaaring makuha sa bunga, balat ng bunga, at buto ay maaari ding gamitin sa panggagamot na kadalasan ay pinangpapahid.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kasuy?
1. Pananakit ng ngipin. Ipinangmumumog ang pinaglagaan ng balat ng kahoy at dahon ng kasuy upang mabawasan ang pananakit ng ngipin.
2. Sore throat. Ang pananakit ng lalamunan ay maaari ding maibsan sa pamamagitan ng pagmumumog sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasuy.
3. Pagtatae at disinterya. Pinakukuluan ang bunga ng kasuy sa tubig na hinaluan ng asukal upang maibsan ang pagtatae. Maaari din gamitin ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasuy.
4. Diabetes. Ginagamit sa kondisyon ng diabetes ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasuy. Ito ay pinaiinom sa taong dumadanas ng sakit.
5. Scurvy. Makatutulong naman ang pagkain sa bunga ng kasuy para agad na gumaling sa sakit na scurvy o eskurbuto.
6. Psoriasis. Ginagamitan naman ng langis ang balat ng apektado ng psoriasis.
7. Problema sa pag-ihi. Ang pag-inom sa katas ng bunga ay makatutulong naman sa problema sa pag-ihi
8. Rayuma. Nakatutulong din sa pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasuy.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.